EDITORYAL - Ngayon na ang hatol sa Maguindanao massacre
NGAYONG araw na ito ibababa ang hatol sa mga akusado sa pinaka-karumal-dumal na krimen sa bansa. Marami sa mga kaanak ng 58 biktima ng krimen ay inaasahang magtutungo sa Camp Bagong Diwa sa Taguig para masaksihan ang pagbababa ng hatol na matagal nilang hinintay. Sampung taon silang naghintay para makamit ang hustisya. Karamihan sa mga pinatay ay mga mamamahayag. Sama-sama silang inilibing sa malalim na hukay kasama ang mga sasakyan para mapagtakpan ang krimen. Nangyari ang masaker sa panahon ng 2010 elections. Pangunahing suspect sa krimen ang pamilya Ampatuan at 100 iba pa. Marami pa umano sa mga sangkot ang hindi pa nahuhuli.
Sa loob ng 10 taon, marami na sa mga kaanak ng biktima ang nawawalan na ng pag-asa. Marami sa mga testigo ang umatras sapagkat nabayaran umao at ang iba naman ay pinatay. Nakadagdag din sa panghihina ng loob ng mga kaanak ng biktima ang sinabi ng prime suspect na si Andal Ampatuan Jr. na wala naman daw matibay na katibayan laban sa kanya.
Nabuhayan ng loob ang mga kaanak ng biktima noong nakaraang taon nang sabihin ng Department of Justice (DOJ) na nalalapit na ang resolusyon sa kaso. Magdedesisyon na ang Quezon City Regional Trial Court (RTC) at hahatulan na ang mga akusado sa 2019 at dumating na nga ang takdang oras ng paghahatol.
Magugunita na noong Nob. 23, 2009, kasama ang mga mamamahayag, nagtungo sa Ampatuan, Maguindanao ang convoy na kinabibilangan ng asawa, kaanak, supporters ng kandidatong si Ismael Mangudadatu para mag-file ng kandidatura sa pagka-governor, subalit hinarang sila ng may 100 armadong kalalakihan at walang habas pinagbabaril. Ang masakit, pati ang mga motorista na napadaan lamang sa lugar ay pinatay din. Matapos matiyak na patay na lahat, inilibing sila sa nakahandang malalim na hukay pati na ang mga sasakyan.
Ngayon na ang pinakahihintay na hatol. Sa wakas, ang pagkauhaw sa hinihintay na hustisya ay makakamtan na rin. Ang 10 taong paghihintay ay dumating din.
- Latest