Maari bang tanggalin ang probationary employee bago matapos ang probationary period?

Dear Attorney,

Natanggap po ako sa isang kompanya limang buwan na ang nakararaan. Ipinaalam naman po nila sa akin ang standards na magiging basehan para sa aking performance review  para sa anim na buwan kong probationary period. Ngunit matapos lamang po ng apat na buwan at dalawang evaluation ay pinadalhan na ako ng management ng notice of termination na nagsasabing tinatanggal na ako dahil sa hindi ko pag-qualify bilang regular employee. Tama po ba na tanggalin ako kahit pa bago matapos ang anim na buwang probationary period ko? -- Allen

Dear Allen,

Sa ilalim ng ating batas, may tinatawag na security of tenure na pumuprotekta sa mga empleyado. Ang ibig sabihin ng security of tenure ay hindi basta-basta masisisante ang isang empleyado puwera na lamang kung ito ay dahil sa tinatawag na (1) just cause katulad ng            serious misconduct ng isang empleyado at (2) authorized cause katulad ng pagkalugi o pagsasara ng isang kompanya. Para sa isang probationary employee na katulad mo, may pangatlo pang dahilan sa ilalim ng Article 296 upang matanggal sa trabaho: ang pagkabigo na ma-qualify bilang regular employee base sa standards na itinakda ng employer.

Base sa mga nabanggit, maaring matanggal ang isang probationary employee kahit hindi pa tapos ang anim na buwang probationary basta ang dahilan ng pagkakatanggal ay dahil sa just o authorized cause o dahil sa hindi niya nagawang mag-qualify bilang isang regular employee base sa mga batayang ipinaalam sa kanya ng employer.

Sa iyong kaso, nabanggit mong ipinaalam naman sa iyo ng kompanya ang batayan para sa iyong evaluation at natanggal ka dahil nabigo ka na mag-qualify bilang regular employee. Ibig sabihin, naaayon sa batas ang ginawang pagtanggal sa iyo kahit pa ito ay bago pa matapos ang anim na buwang probationary period mo.

Hindi kasi ibig sabihin na kapag may security of tenure ay hindi na maaalis sa trabaho ang isang empleyado; ang ibig sabihin lamang nito ay maari lamang silang alisin batay sa mga dahilang itinakda ng batas na siya namang nangyari sa kaso mo.

Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad na legal advice dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon. Mas mainam pa rin na kayo ay personal na kumunsulta sa isang abogado para sa inyong mga problemang legal.

 

Show comments