ISANG araw, nanalo sa tournament ang sikat na Argentine golfer na si Robert De Vincenzo. Habang tinatanggap niya ang cash prize ay kinunan pa siya ng litrato. Sandali siyang ininterbyu ng media. Pagkatapos ay umalis na siya at naglakad mag-isa sa parking lot.
Bago sumakay ng kotse ay may babaing lumapit sa kanya. Nag-congratulate ang babae at saka sinabi ang pakay niya.
“Sir manghihingi po ako ng financial help sa iyo dahil ang aking anak ay nasa ospital. Malubha po ang kanyang sakit. Kung hindi kaagad maooperahan ay malamang na mamatay ito. Natanggal po ako sa trabaho. Wala po akong sapat na pera para ipagamot ang aking anak.”
Naawa si Vincenzo. Dumukot sa bulsa at binigyan ng mala-king halaga ang babae.
“Sana ay makatulong ang perang iyan para madugtungan ang buhay ng iyong anak.”
Kinagabihan, habang kumakain siya sa country club, nilapitan siya ng vice president ng Golf Association.
“Robert, nabalitaan kong may isang babaeng lumapit sa iyo kaninang umaga sa parking lot at binigyan mo raw ng pera.”
“Well…that’s true”
“Nagsisinungaling ang babae. Kinuwartahan ka lang ng babaeng iyon! Wala siyang anak. Walang batang may sakit na malapit nang mamatay.”
“You mean…walang batang nasa bingit ng kamatayan?”
“Wala”
“That’s good news! Pinakamagandang balita na narinig ko sa linggong ito!”
“More smiling, less worrying. More compassion, less judgment. More blessed, less stressed. More love, less hate.”
— Roy T. Bennett