MAY isang physicist, si Stephen Hawking, na hindi naniniwalang may Diyos at langit. Sabi niya, kuwentong kutsero lang daw ang tungkol sa Diyos at langit. Ito ang nagtulak sa grupo nina Dr. David Rosmarin, isang Harvard-affiliated psychologist, na magsagawa ng pag-aaral tungkol sa paniwala ng mga tao na may langit at Diyos. Anong psychological benefits ang matatamo hinggil sa paniwalang ito.
Unang pag-aaral: Kumuha sila ng 332 respondents na kinabibilangan ng Christians at Jews. Hindi na idinetalye kung paano isinagawa ang research. Basta’t ang resulta ay ganito: Ang mga taong mataas ang tiwala sa Diyos ay mas maluwag na natatanggap ang mga kasawian sa buhay at hindi nila pinuproblema kung ano ang magiging buhay nila pagdating ng araw.
Pangalawang pag-aaral: Ibang grupo ng respondents ang kasali rito. Dalawang linggo silang ini-expose sa video at audio na may kinalaman sa kabutihan ng Diyos. Ang resulta: Nabawasan ang worries at stress ng mga participants.
Ang resulta ng dalawang pag-aaral na isinagawa ay maipapaliwanag lang sa isang pangungusap: Mas mataas ang pananampalataya sa Diyos, mas mababa ang stress na nararanasan ng isang tao at mas matapang nilang natatanggap ang mga problemang dumarating sa kanila.
Malayo ito sa paniwala ni Stephen Hawking na ang tao ay parang computer na kapag nasira ay titigil na lang sa pag-andar. At walang langit na nilikha para sa isang sirang computer. Inakusahan pa niya na ang taong naniniwala na may langit ay mga taong takot sa kamatayan.