ANG pangangaroling sa bahay-bahay ay mula sa old English tradition na “wassailing”. Uso na ang wassailing bago pa magkaroon ng Gregorian calendar noong 1752. May dalawang uri ng wassailing: House-visiting wassail kung saan nagmula ang caroling. Ang mga magsasaka ay tatapat sa bahay ng kanilang landlord at kakanta ng “Here We Come-A-Wassailing”. Ang mga wassailers ang magsasalita ng ganito, “We are not daily beggars that beg from door to door but we are friendly neighbours whom you have seen before.”
Lalabas ng bahay ang landlord at mag-aalok ng pagkain at alak sa mga wassailers bilang pakikisama nito sa mga magsasakang nangalaga ng kanyang bukid. Ngunit nang magtagal ay naging bastos na ang mga wassailers, mga bandido na ang nagsasagawa ng wassailing sa mga mayayaman at sapilitang manghihingi ng pera, pagkain at alak. Kapag tumanggi ang may-ari ng bahay na tinapatan, sisirain nila ang bakuran o anumang ari-arian na makita nila.
Ang ikalawang uri ng wassailing ay Orchard-Visiting wassail kung saan ang mga magsasaka ay magpupunta sa mga malalaking taniman ng mansanas at doon sila magkakantahan upang magkaroon sila ng masaganang ani. Ang mansanas ay ginagawa nilang cider vinegar na karaniwalang ikinabubuhay sa West of England. Naniniwala ang mga magsasaka na sa pamamagitan ng malakas na pagkanta, ang puno ng mansanas ay nabubuhay at ang evil spirit na namamahay sa puno ay matatakot at lalayas. Ang kasayahan ay magtatapos sa masayang inuman ng alak mula sa mansanas.