KALIMITAN, sa unang paglabas ng lalaki at babae na bago pa lang magkakilala, dito nagkakaroon sila ng unang impression sa isa’t isa. Kahit sa unang date lang sila nagkasama nang personal at nang sarilinan, nagmamarka na sa bawa’t isa ang pagkatao ng kanilang magiging partner sa buhay. Iyon kasi ang unang pagkakataon na makikilala nila ang isa’t isa nang harap-harapan. Maaaring doon malalaman kung magkakaroon ng tinatawag na ‘spark’ sa una nilang date.
Kaya nga, kadalasan, babae man o lalaki ay nakakadama ng kaba at agam-agam sa paghahanda sa kanilang date dahil palaisipan kung ano ang magiging reaksyon ng bawat isa sa una nilang paglabas mula nang magkakilala sila. Natataranta kung paano aayusin ang sarili at kung paano haharapin ang isang lalaki o babae sa una nilang date.
Meron namang mungkahi ang mga psychologist dito, ayon sa artikulo ni Sheiresa Ngo sa CheatSheet ng Health & Fitness. Sinasabi sa artikulo na, batay sa pahayag ng research psychologist na si Richard G. Lewis sa libro nitong Color Psychology, ang kulay ng isusuot mong damit ay meron ding malaking epekto sa kung paano ang magiging pagkakakilala sa iyo ng iyong makaka-date. Lumilikha ito ng impresyon. Marami anyang klase ng damdamin ang pumukaw sa iyong ka-date batay sa kulay ng iyong damit.
Batay sa pananaliksik ng mga psychologist, kabilang sa mga kulay ng damit na dapat iwasan sa unang date ay ang dilaw, orange at brown.
Bakit hindi puwede ang dilaw? Maliwanag at maaraw na maituturing ang dilaw na nakakapagpasaya sa ilang tao pero malamang hindi nito mahimok ang iyong ‘kaibigan’ na magkaroon kayo ng pangalawang date. Pansinin kasi ang dilaw kaya, ayon sa designer na si Jennifer Bourn, ang ganitong kulay ang ginagamit sa mga children’s advertisement at product, school buses at taxi. Isang cheerful hue ang dilaw, hindi romantiko. Bukod dito, para sa ibang tao, ang dilaw ay palatandaan ng makasarili at pagtataksil.
Sa orange naman, hindi ito gaanong paboritong kulay ng mga lalaki at babae. Sa isang survey, 30% ng mga babaing respondent at 33% porsiyento ng mga lalakeng respondent ang nagsabing ayaw nila sa orange na damit. Sa tingin ng iba, mumurahin lang ang orange.
Hindi rin popular na kulay sa pakikipag-date ang brown. Sa isa ring survey, 1% lang ng mga babaeng respondent at 4% ng mga lalaking respondent ang may gusto sa brown. Ipinalalagay din na kinakatawan ng brown ang stability at structure pero naiuugnay din ito sa mga tao na kulang sa inisyatiba o pagkukusa. Maaaring maging impression sa iyo ng iyong ka-date na boring ka kapag brown ang iyong kulay.