Ang buto na tumangging tumubo
MAY dalawang buto na napadpad sa bukid na may matabang lupa…
Ang wika ng unang buto:
Gusto kong lumaki. Tutubuan ako ng mga ugat na unti-unting manunuot sa ilalim ng lupa. Habang lumalaki ang aking mga ugat ay biglang uusbong ang aking maliliit na dahon. Araw-araw ay dadamahin ko ang mainit na sinag ng araw.
Kung tag-ulan naman ay buong puso kong tatanggapin ang tubig na didilig sa aking katawan. Bawat oras ay mananabik ako sa mga pagbabagong magaganap sa aking katawan—mula sa pagiging buto hanggang sa maging ganap na halaman. Masarap isipin na magiging kabahagi ako ng kalikasan.
Ang wika ng pangalawang buto:
Hindi ko maimadyin na tutubuan ako ng ugat at pagkatapos ay isa-isang gagapang ang mga ito pababa patungo sa ilalim ng lupa. Nakakatakot sa ilalim ng lupa! Madilim doon.
Paano kung matapos tumubo ang aking mga dahon ay biglang may dumikit na kuhol sa aking dahon at ubusin ito nang walang awa? Kadiri! Tapos, kapag bumukadkad ang aking bulaklak ay bigla na sisimsimin ang aking katas ng mga bubuyog. Hmmp! ‘Wag na lang ‘no? Hindi muna ako magpapalaki. Buti na ‘yung manatili na lang muna akong buto.
Kaya’t ang pangalawang buto ay hindi sumama sa unang buto para pumunta sa gitna ng taniman. Magpapahinga raw muna siya sa ibabaw ng bato para hindi kaagad siya tubuan ng ugat.
Isang manok ang naligaw sa kinaroroonan ng pangalawang buto at agad itong tinuka. Patay kang buto ka. Mamamahinga na lang siya forever.
Moral of the story: Namamatay nang dilat ang mga taong takot makipagsapalaran sa buhay.
- Latest