NAGISING na lang ang lalaki na nasa isang isla siya na walang katao-tao. Muli niyang binalikan ang nangyari nang nagdaang araw. Lumubog ang barkong sinasakyan niya galing Maynila at pauwi na sa kanilang probinsiya. Habang nagkakagulo ang lahat ng pasahero, naalaala niya ang salbabidang binili niya sa mall para sa kanyang anak na nag-aaral pa lang lumangoy. Kaagad niya itong pinalobo at iyon ang nagligtas sa kanya para hindi malunod hanggang inanod siya ng alon patungo sa islang iyon.
Ang unang ginawa niya ay maliit na kubong sisilungan niya habang naghihintay ng tulong. Araw-araw ay taimtim siyang nagdarasal sa Diyos na sana ay may sumaklolo sa kanya. Isang araw ay bigla na lang nagliyab ang kanyang kubo. Sa sobrang init ng sinag ng araw, unti-unting nag-apoy ang nanunuyong dahon ng niyog na nagsisilbing bubong ng kanyang kubo. Wala na siyang magawa dahil mabilis na nilamon ng apoy ang kanyang kubo. Napaiyak ang lalaki at buong hinanakit na kinausap ang Diyos.
“Diyos ko, dasal po ako nang dasal sa inyo na tulungan mo akong makabalik sa aking pamilya pero sa halip na padalhan mo ako ng tulong, nasunog pa ang tangi kong sinisilungang kubo. Bakit po ninyo ako tinitikis nang ganito?”
Mga ilang oras ang nakalipas, isang barko ang dumating sa isla. Nagtaka ang lalaki.
“Paano ninyo nalamang narito ako? ” tanong ng lalaki sa Kapitan ng barko.
“Habang naglalakbay kami ay nakita namin ang smoke signal mo.”
Ang tinutukoy na smoke signal ay usok na nagmula sa nasusunog na kubo. Napangiti ang lalaki habang nakatingala sa langit. “Thank you po, Lord at sorry po sa maling paratang sa inyo.”