Patuloy ang paghataw ng mga atletang Pinoy sa ginaganap na 30th Southeast Asian Games sa bansa.
Kasabay sa paghagupit ng bagyong si Tisoy sa malaking bahagi ng Luzon, patuloy din sa paghagupit ang manlalarong Pinoy na nagbibigay ng karangalan sa ating bansa.
Sana ay patuloy pang suportahan ng ating mga kababayan ang laban ng ating mga manlalaro.
Matapos nga ang humigit-kumulang sa dalawang oras na pormal na pagbubukas sa ipinagmamalaki at pinakamalaking indoor arena sa bansa, ang Philippine Arena sa Bocaue, Bulacan, mistulang dito na nagsimula ang pagtatagumpay.
Kasi nga ang dalawang oras na opening ang halos pumawi sa mga nakalipas na aberyang naranasan sa pasimula ng SEAG.
Pagkatapos ng magarbo at kamangha-manghang opening , mataas ang moral ng ating mga atleta na makisabak sa mga dayuhan at sungkitin ang tagumpay.
Maging ang mga katunggaling dayuhan, namangha sa isinagawnag paghahanda o sa pagbubukas ng SEAG.
Bakit ang mga dayuhan ay nakukuhang purihin ang pinaghirapan ng ating gobyerno, bakit ang ilan mismo sa ating mga kababayan ay hindi ito magawa.
Gusto ko ngang itanong na, hindi ba nahihiya ang mga taong walang bukang bibig ay ang bumatikos?
Ang nakikita ay ang maliit na tuldok at ang hindi ang kabuuan ng isang puting papel.
Ito ang mga taong ang nais ay puro negatibo ang ihayag, hindi sila nakakatulong kundi nakakaperwisyo pa.
Sana sa ilang araw pang natitira sa pagpapatuloy ng laban ng ating mga atleta ay makita nila ang pagkakaisa ng mga Pinoy, hindi ang pagkakahati-hati na dahil lamang sa hidwaan sa pulitika.
Kung may pagkukulang pwede rin naman pagkatapos na ng SEAG, ito tutukan.