Apo

SA inuugali ng mga anak masasalamin kung anong klase ang kanyang magulang. Hindi ba’t kapag ang isang bata ay may nagawang maganda o masama, ang unang namumutawi sa bibig ng publiko ay –sino kaya ang magulang ng batang ‘yan? Magulang ang unang pinupuri o pinipintasan dahil sila ang nagpalaki.

Minsan ay dalawang magbalaeng Lola ang nagkasagutan dahil may ginawang kalokohan ang kanilang apo. Sa sobrang kahihiyan, nakapagsalita si Lola Tessie, ‘Kanino kaya nagmana ang batang iyan?’

Narinig iyon ni Lola Lety. Umismid ito at sinagot ang tinuran ng balae, ‘Di ba’t kayo ni balaeng Arturo ang nagpalaki sa ating apo, kailangan pa bang itanong kung kanino nagmana ang ating apo?’

Palibhasa ay first apo si Topher sa magkabilang side ng kanyang mga magulang kaya nag-aagawan ang magbalae kung sino ang mag-aalaga kay Topher na noon ay baby pa. Ang mag-asawang Tessie at Arturo ang nanalo dahil sa tabi ng bahay nila nagpatayo ng bahay ang mga magulang ni Topher. Lumaki si Topher na hindi close kay Lola Lety. Pasimpleng ipinagdadamot ni Lola Tessie ang apo sa kanyang balae . Halimbawa, hihiramin ni Lola Lety ang apo noong baby pa, hindi iyon papayagan ni Lola Tessie kesyo dahil daw hinihika ito. May gamot itong iniinom na kailangang tama sa oras ang pagbibigay.

Tapos ngayong lumaking tarantado ang aming apo, tatanong-tanong pa ang matandang Teresita na ito kung kanino nagmana! nanggagalaiting bulong ni Lola Letye.

Isang araw ay nagulat si Lola Lety nang bigla siyang binisita ni Topher. Nakikiusap itong makikitulog sa kanilang bahay. Nagtampo raw ito sa kanyang Lolo Arturo. Nagkasagutan daw sila at hinampas siya ng tubo ng gripo. Napaluha si Lola Lety nang makitang nangingitim ang braso ng apo. Sumbong pa nito, hindi siya maipaglaban ng kanyang ama at ina kapag sinasaktan siya ng kanyang Lolo Arturo. Lumaki raw siyang sagana sa suntok at palo ng sinturon. Marami pang ipinagtapat si Topher na halos dumurog sa puso ni Lola Lety.

Kinabukasan, hindi nagdalawang isip si Lola Lety at nagsumbong siya sa DSWD. Nagsumbong kaagad siya habang sariwa pa ang ebidensiya ng pananakit sa apo. Ipinatawag ng DSWD ang lolo’t lola na nagpalaki sa bata at sarili nitong ama’t ina. Pagkatapos makumpirma na may pisikal na pang-aabusong nangyayari, sumailalim ang matatanda sa series of counselling sessions. Si Topher naman ay kay Lola Lety muna nakatira base sa payo ng DSWD. Siya na rin ang sumasama sa apo three times a week sa DSWD office para makatanggap ng psychological services upang makarekober sa trauma.

Pagkaraan ng 11 taon, propesyunal na si Topher. May sariling condominium. Binata pa rin at si Lola Lety ang kasama sa bahay.

Show comments