EDITORYAL - Mag-ingat sa mga depektibong Christmas lights

MADALAS ang sunog ngayon. Kamakalawa, isang sunog ang naganap sa Bgy. Tejeros, Makati City at Valenzuela City. Maraming bahay ang nasunog. Karaniwan nang pinagsisimulan ng sunog sa panahong ito ng Kapaskuhan ay ang mga sinisindihang Christmas lights. Marami sa mga Christmas lights na ibinebenta ngayon sa bangketa ay depektibo.

Karaniwang hindi dumaan sa quality control ang mga Christmas lights na ito.

Makikita ngayon sa bangketa ang mga mumurahing Christmas lights. Marami nito sa Divisoria, Carriedo, Cubao, Baclaran at iba pang pamilihan sa Metro Manila. Murang-mura lang ang Christmas lights at maaakit bumili ang mga mamamayan. Halos kalahati ang presyo sa mga binebentang Christmas lights sa malala­king department stores.

Pero nararapat na mag-isip muna nang maraming beses ang sinumang bibili ng Christmas lights na ito sapagkat baka ang mga ito ay maging mitsa ng inyong buhay. Tanungin ang sarili kung hindi ba kapahamakan ang idudulot nang pagbili ng mumurahing Christmas lights.

Huwag tangkilikin ang mga Christmas lights na ito sapagkat karamihan sa mga ito ay takaw-sunog. Madaling mag-init at magliyab sapagkat maninipis ang wire na ginamit. Kapag nakadikit sa kurtina, mabilis na kakalat ang apoy.

Hindi makakalimutan ang nangyaring trahedya sa anak na babae ni dating House Speaker Jose de Venecia na namatay makaraang masunog ang mansion sa Makati noong Disyembre 2004. Ang dahilan ng sunog ayon sa Makati police ay nag-overheat na Christmas lights na nasa staircase ng mansion.

Nagbabala na ang mga awtoridad na huwag bumili ng mga Christmas lights na nasa bangketa na ibinebenta sa murang halaga. Ang 100 lights ay P50 lang kumpara sa mga makabagong Christmas lights ngayon na LED type na ang 100 lights ay nagkakahalaga ng P500. Payo ng Department of Trade and Industry (DTI), bumili lamang ng mga Christmas lights na may ICC markings.

Huwag tangkilikin ang Christmas lights na maaaring magdulot ng panganib sa buhay. Huwag makipagsapalaran. Makakatipid nga sa mga mumurahing Christmas lights subalit magiging mitsa naman ng trahedya.

 

Show comments