‘Don’t rest on your laurels’

PAGKATAPOS makilala si Alexander Graham Bell bilang imbentor ng telepono, may isang taong tumutol, siya si Philip Rice. Naghahabol si Philip na siya raw ang tunay na imbentor ng telepono at hindi si Alexander.

Naunang nagsagawa ng pag-aaral at eksperimento si Philip. Nagawa niyang i-transmit ang mga tono at musika sa tulong ng kawad ng kuryente. Ang nagawa lang daw ni Alexander ay i-transmit ang boses sa kawad ng kuryente. Kung iisipin, ang ginamit na kawad ng kuryente ni Alexander ay inimbento ni Philip. Kaso nota at musika lang ang nai-transmit ni Philip sa pinagtatalunang “kawad ng kuryente” unlike kay Alexander, boses ang naitawid niya sa kawad ng kuryente kaya nagkaroon ng telepono.

Idinulog ang kaso sa US Supreme Court at ito ang naging desisyon: “Ang imbensiyon ni Philip Rice ay hanggang doon lang sa mag-transmit ng tono at musika pero walang boses. Ang pagta-transmit ng boses ay ginawa ni Alexander Graham Bell kaya siya talaga ang imbentor ng telepono.”

Ang nangyari pala, itinigil ni Philip Rice ang pagtatrabaho sa kanyang imbensiyon sa di-malamang dahilan nang makapag-transmit siya ng tono at musika sa kawad ng kuryente. Naisip ni Alexander Graham Bell na mai-improve pa niya ang ginawa ni Philip Rice. At ‘yun nga, nagawa niyang i-transmit ang boses ng tao sa kawad ng kuryente na naunang inimbento ni Philip Rice. Kung hindi nainip si Philip, sana’y ipinagpatuloy pa niya ang eksperimento. Sana’y sa kanya nakapangalan ang imbensiyon ng telepono at hindi kay Alexander.

Huwag makuntento sa iyong nakaraang tagumpay. Hangga’t may pagkakataon, huwag titigil sa pagtuklas ng bagong kaalaman. Sa ancient Greece, ang laurel ay halamang sagrado sa diyos na si Apollo. Ito ay simbolo ng tagumpay kaya’t ikinukuwintas o ipinuputong sa ulo ng nanalo sa anumang klase ng paligsahan.

Show comments