NAGING “hot topic” sa umpukan sa Camp Crame ang pagbigwas ng isang regional director (RD) ng PNP sa kanyang junior officer na naaktuhan niyang natutulog, pati ang kanyang mga tauhan, sa kanyang inspection kamakailan.
Siyempre, matik na relieve kaagad ang city director, na miyembro ng PNPA Class 2000, dahil sa tingin ni RD ay may pagkakamali siya. Sa kanilang komprontasyon, hindi nagustuhan ni RD ang paliwanag ng huli kaya hayun nadibdiban nito ang city director sa harap ng kanyang nagpupungas-pungas na mga tauhan at mga miron. Na-relieve din ang karamihan sa tauhan ng city director. Araguuyyy! Dahil sa kahiya-hiyang sinapit, nagbakasyon bigla ang city director.
Sinabi ng mga kausap ko sa Camp Crame na wala namang masama kung i-relieve ang city director kung may kasalanan talaga s’ya o nagpabaya sa trabaho. Subalit ‘yung suntukin siya sa dibdib ay mukhang wala na sa PNP rules and regulations ito, ano sa tingin mo PNP OIC Lt. Gen. Archie Gamboa Sir? Tiyak hindi na magrereklamo ang city director dahil sa pangambang baka biglang ituro ito ni President Digong na maging PNP chief kaya kalbaryo ang aabutin niya, pati ang mga kaklase niya sa Class 2000, di ba mga kosa?
Kung si dating EPD director Brig. Gen. Cris Tambungan ay na-relieve at na-floating pa dahil sa pagbatok sa lady cop sa San Juan, si RD kaya ay may kalalagyan din? Araguuyyy! Hak hak hak! Sa PNP talaga ay may pinipili lang ang pinaparusahan, di ba Sir Digong? Hehehe! Weder weder lang ‘yan!
Hanggang sa ngayon naman, nahihirapan pang pumili si Sir Digong ng bagong PNP chief na papalit kay retired PNP chief Gen. Oscar Albayalde. Ayon kay Sen. Bong Go hindi pa nakikita ni Digong ang “honest” PNP official na iluklok niya bilang bagong PNP chief. Ang nangyari tuloy, medyo pigil ang mga suntok ng kapulisan habang iniisa-isa ni Digong ang mga Personal Data Sheet (PDS) ng mga senior police officers ng PNP. Sa totoo lang, si Gamboa ay nag-birthday noong Setyembre, si Lt. Gen. Pikoy Cascolan noong Nob. 10, samantalang si Maj. Gen. Guillermo Eleazar ay noong nakaraang Miyerkules.
Ang isa pang isinusulong na maging PNP chief na masasabi kong outsider dahil PNPA graduate ay si Brig. Gen. Gilbert Cruz na nag-birthday noong Nob. 8, kasabay ni Sir Albayalde. Sina Gamboa, Cascolan at Cruz ay wala nang isang taon sa serbisyo, samantalang si Eleazar, ang people’s choice na maging PNP chief, ay kulang dalawang taon pa sa PNP.
At dahil matagal pumili si Digong, kung anu-anong ugong ang kumakalat sa Camp Crame, lalo na galing sa kampo ng mga kandidato sa pagka-PNP chief. Ang huling narinig ko, kinuha ni Digong ang PDS nina Gamboa at Eleazar at pinasailalim ito sa Feng Shui, na ginagamit ng mga Intsik para alamin kung ano ang magbibigay ng suwerte o malas sa kanila. Si Cascolan naman ay siniraan ni Speaker Alan Cayetano sa Palasyo. Araguuyyy! Hak hak hak! Pero kung si Sen. Bato dela Rosa ang tatanungin, si Gamboa na ang bagong PNP chief. Anong say mo PNP legal service chief Brig. Gen. Matt Baccay Sir? Abangan!