EDITORYAL – Ipinakita ang kawalan ng disiplina

NAKITA ang kawalan ng disiplina ng mga vendor sa Divisoria. At ang kawalan ng disiplina ang naging daan para mawalan sila ng pagkakakitaan. Kung nagkaroon lang sila ng disiplina na huwag magkalat o mag-iwan ng basura sa lugar na pinayagan silang magtinda, baka magtuluy-tuloy ang kanilang paghahanapbuhay at mayroon silang kikitain. Dahil sa kanilang kawalan ng disiplina, apektado ang kanilang kakainin sa araw-araw at paano rin ang kanilang mga anak na nagsisipag-aral. Bukod sa kawalan ng disiplina, hindi sila marunong tumupad sa pinagkasunduan na laging panatilihing malinis ang lugar na pinagtitindahan.

Noong Lunes, sorpresang binisita ni Manila mayor Francisco “Isko Moreno” ang Divisoria. At hindi niya inaasahan ang makikita sa kanto ng Recto Avenue at Ilaya St. Tambak ng basura ang kanyang nakita. Ang mga basura ay iniwan ng mga vendors na pinayagan niyang magtinda makaraang makipagkasundo na huwag magtatambak o ikakalat ang kanilang basura.

Sa sobrang pagkainis at pagkadismaya ni Isko, hindi na niya papayagan ang vendors na makapagtinda sa lugar. Tama na umano ang pagbibigay niya sa mga ito. Inililigtas na umano niya sa mga ito sa mapang-abusong indibidwal pero hindi pa rin makipagtulungan sa pamahalaan.

Sabi pa ni Isko, talagang may pagkababoy ang mga vendor at siguro ay ganito rin ang gawain sa kanilang mga bahay. Pinagbigyan na nga niyang makapaghanapbuhay pero hindi tumupad sa kasunduan. Wala raw hiya ang mga vendor.

Nararapat lang na huwag nang pagbigyan ang mga walang disiplinang vendors. Ang mga taong ganito na hindi sumusunod sa pinagkasunduan ay hindi na dapat bigyan pa ng pangalawang pagkakataon. Pinagbigyan na ang mga ito at sapat na iyon. Tama na ang pakiki­pagmabutihan sa mga walang disiplina at mga walang paggalang sa pinag-usapan. Masasayang lamang ang oras sa kanila.

Nararapat namang bantayan ang mga lugar na inokupa ng mga walang disiplinang vendors at baka magsipagbalikan at panibagong tambak ng basura ang itambak.

Show comments