Dear Attorney,
Hindi po nakapagbayad ng utang sa akin ang aming kapitbahay kaya ipina-barangay ko siya. Aminado naman siya sa kanyang utang sa akin kaya nagpirmahan kami ng kasunduan sa harap ng mga opisyal ng barangay na babayaran niya ang halagang hiniram niya sa takdang panahon. Sa kabila nito ay hindi siya tumupad sa napag-usapan kaya ngayon po ay iniisip ko ang susunod na hakbang kung paano maipapatupad ang kasunduan namin na pirmado niya.
Bong
Dear Bong,
Sa ilalim ng Local Government Code at Revised Katarungang Pambarangay Law, may dalawang paraan upang maipatupad ang amicable settlement o napagkasunduan ng dalawang partidong nag-alitan at humarap sa barangay. Ang una ay sa pamamagitan ng paghiling sa mismong barangay na ipatupad ang amicable settlement. Kailangang gawin ito sa loob ng anim na buwan matapos pirmahan ng mga partido ang amicable settlement.
Kung paso na ang anim na buwan na binibigay ng batas upang maipatupad ang amicable settlement sa pamamagitan ng barangay, maari namang dumulog sa korte na siyang mag-uutos ng pagpapatupad nito. Kailangang mag-file ng petition o complaint for execution sa korte na nakakasakop sa barangay ng mga partido sa amicable settlement.
Maari mo ring ipagpalagay na wala nang bisa ang napagkasunduan n’yong amicable settlement dahil sa hindi pagtupad ng kapitbahay mo sa napag-usapan ninyo. Gagawin mo ito kung ayaw mo nang matali ang reklamo mo sa kung anumang nakapaloob sa amicable settlement kaya magsasampa ka na lang ng panibagong reklamo sa korte na ukol mismo sa hindi pagbabayad ng kapitbahay mo ng utang niya sa iyo. Alinsunod ito sa Article 2041 ng Civil Code na nagbibigay ng karapatan sa sinuman na umatras na sa isang kompromiso sakaling hindi tumupad sa napagkasunduan ang kanyang kausap at igiit ang kanyang orihinal na mga hinihingi bago pa nagkaroon ng pag-uusap sa harap ng barangay.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang nakasaad dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat kaya maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.