NOONG nakaraang buwan, ipinag-utos ni President Duterte sa Department of Agriculture at iba pang ahensiya ng gobyenro na kontrolin ang pagkalat ng African swine fever (ASF) sa bansa. Pero mukhang walang magawang paraan ang mga ahensiya sapagkat patuloy ang pagkalat ng ASF. Tila isang salot na gustong ubusin ang mga baboy. Mula nang madiskubre ang ASF, umabot na sa 70,000 na mga baboy ang pinatay para hindi na kumalat ang sakit. Pero hindi maaawat ang pagkakasakit ng mga baboy at kumalat pa ngayon sa Caloocan at Malabon. Ayon sa Department of Agriculture, dalawang barangays sa Caloocan at dalawang barangays sa Malabon ang nagpositibo sa
ASF.
Unang nakita ang ASF sa Rizal province at Bulacan hanggang kumalat sa Quezon City. May mga patay na baboy na pinaanod sa Marikina River na nagpositibo sa ASF. Mula roon, kumalat pa sa ilang barangay sa QC at pati sa Pampanga ay nagkaroon na rin ng epidemya.
Hanggang sa pati ang isang food company na gumagawa ng hotdog, tocino at longganisa ay nadiskubreng may ASF na rin ang mga produkto. Agad na binawi sa mga pamilihan ang mga produktong may ASF. Ayon sa Agriculture department, minomonitor nila nang todo ang mga mga kompanyang guma-gawa ng processed foods.
Sa kabila na maraming baboy ang apektado ng ASF, sinabi naman ng Department of Health at Agri department na hindi ito derektang makasasama sa tao. Wala raw dapat ikabahala. Iluto lamang mabuti ang mga karneng baboy para makatiyak.
Sabi ni Agriculture Sec. William Dar na posibleng nakapasok sa bansa ang ASF dahil sa mga pagkain na dala ng mga dayuhan. May mga hotel umano na nagbagsak ng mga tirang pagkain sa isang lugar at kinuha naman ito ng mga nag-aalaga ng baboy para ipakain sa mga ito. Dapat ibawal ang pagpapakain sa mga baboy ng mga tira sa hotel.
Dapat din namang maghigpit sa Bureau of Customs sapagkat may mga smuggled na karneng baboy na galing China na may ASF. Huwag hayaang makapasok ang salot. Bantayan ang mga port. Gawin ang lahat nang paraan para makontrol ang swine fever.