Mayor Domagoso, may stiff neck na?

NAKIKIUSAP ang apektadong vendor sa ginawang paglilinis ni idol Manila Mayor Francisco Domagoso sa Divisoria na bigyan naman sila ng kabuhayan para may pangtustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya. Inamin ng vendor, na ang panawagan ay nai-post ni kosang Bambi Purisima sa social media, na maganda ang hangarin ni Domagoso sa paglinis ng Divisoria subalit sana bigyan din sila ng maliit na puwesto na matitindahan.

Ang pangako raw ni Domagoso na sa gutter ng kalsada ay puwede subalit hindi naman ito nangyari. Naalala pa ng vendor na noong kumakandidato pa lang si Domagoso, lahat nang vendor ay gusto nitong makamayan at panay din ang bisita sa mga namatayan. Subalit nang manalo na, aba nakalimutan na nito o nawala lahat ang pangangaibigan niya. Araguuyyy! Ang panalangin ng vendor ay payagan silang makapaghanapbuhay para sa pamilya nila. At dahil sa pagwalis ni Domagoso sa kanila, nagalit na ang mga vendor na nangakong hindi na nila iboboto ito sa susunod na halalan. Araguuyyy! “Ang dami pong nagutom.

Asan na po ngayon ang Isko na nakaranas ng hirap na ngayon ay nagpapahirap sa maraming vendor na nawalan ng hanapbuhay?” ‘Yan ang tanong ng vendor. Sinabi pa ng vendor na ang nangyari kasi sa ngayon ay parang pusa at daga ang sitwasyon nila, na ibig sabihin makalatag man sila subalit tatakbo agad kapag may pulis na darating at kapag nahuli ay ikukulong pa sila. Get’s mo Mayor Domagoso Sir? Di naman daw sila puwedeng huminto sa paghahanapbuhay, aniya. “Tulad po nila, ginagawa nila ang tungkulin nila, ganundin po kami na ginagawa ang tungkulin para sa pamilya.” Araguuyyy! Hak hak hak! Ipinapanalangin ng mga vendor na pakinggan sila ni Domagoso.

Idinagdag pa nila na tinanggal nga ang vendor eh ginawa naman itong parkingan ng motor. Ang ibang lugar sa Divisoria ay bawal magtinda subalit puwedeng mag-park. “Ano po ang pagkakaiba nun parehas pa rin nakaharang sa kalsada,” anila. Kaya naman mas gusto ng MPTB ni ex-chairman Darwin Ibay na walisin ang vendor at palitan ito ng parking kasi mas malaki ang kikitain nila, di ba Ate Connie? Para sa kaalaman ni DILG Sec. Eduardo Año, kapag ang vendor kasi ang uukupa sa kalsada, aba etneb etneb lang ang kikitain ng MPTB ni Ibay sa maghapon.

Samantalang kung gagawing parking ng motor ang kalsada, aba kada 30 minuto ay umaalis ito, kaya kung ang singil ay P30 o P50 kada motor, eh mas malaki ang kita ng mga bataan ni Ibay sa maghapon, di ba SMART chief Maj. Rosalino Ibay Jr. Sir? Smart talaga si Darwin Ibay, na ang toka sa mga MPTB sa Divisoria ay mula P2,000 hanggang P4,000 depende sa “ganda” ng puwesto. Araguuyyyy! Kawawang Manilenyo dito sa raket na ito ni ex-chairman Ibay. Hak hak hak!

Subalit kahit abot-langit pa ang reklamo ng mga vendor, tiyak hindi papansinin ito ni Domagoso dahil nagka-stiff neck na siya at hindi na kayang lumingon sa pinanggalingan n’ya. Tumpak! Malapit na ang Pasko kaya tiyak ang mga bataan lang ni Domagoso ang masaya at ang mga mahihirap ay nakatingin na lang sa langit na nakanganga. Aranguuyyy! Abangan!

Show comments