MULA 1986 hanggang sa kasalukuyan, umabot na sa 182 mamamahayag ang pinatay. Pinaka-karumal-dumal na pagpatay sa mga mamamahayag ay nangyari noong Nob. 23, 2009 sa Maguindanao kung saan 30 mamamahayag ang pinatay na may kaugnayan sa election. Sampung taon na mula nang mangyari ang krimen at hanggang ngayon, wala pang kinahihinatnan ang kaso na ang itinuturong “utak” ay ang mga Ampatuan.
Hanggang sa kasalukuyan, patuloy ang pagpatay sa mga mamamahayag. Sabi ni President Duterte noong 2017, tututukan ng kanyang administrasyon ang mga nangyayaring pagpatay sa mga mamamahayag. Subalit ang pangako ay “napako” sapagkat wala pa ring nakakamit na hustisya ang mga kaanak nang napatay. Sa ilalim ng Duterte administration, may mga naitalang mamamahayag na pinatay. Ang pinaka-latest na pinatay ay si Jupiter Gonzales, kolumnista ng pahayagang Remate. Pinagbabaril si Gonzales at kaibigan nito habang lulan ng sasakyan sa Pampanga noong Oktubre 20. Noong 2017, pinatay si Joaquin Briones, kolumnista rin ng Remate.
Sa panahon ni Pres. Noynoy Aquino (2010-2016), 38 mamamahayag ang itinumba. Ayon sa Committee to Protect Journalists (CPJ) na nakabase sa New York, number 5 ang Pilipinas sa mga pinaka-mapanganib na bansa para sa mga mamamahayag. Number 1 ang Somalia, number 2 ang Syria, number 3 ang Iraq at number 4 ang Pakistan. Ayon pa sa CPJ, ang Pilipinas ang may pinakamaraming bilang (41) ng mga pinatay na mamamahayag na hindi pa nalulutas at sinundan ng Mexico, 30.
Parang mga manok lamang kung patayin ang mga mamamahayag sa bansang ito at masakit isipin na walang ginagawa ang pamahalaan upang sila ay maprotektahan.
Sa nalalabing termino ni Duterte, umaasa ang mga mamamahayag na mapuprotektahan sila at matitigil na ang mga pagpatay. Atasan ng Presidente ang Philippine National Police (PNP) na hanapin at tugisin ang mga killer at “utak” sa pagpatay. Sa ganitong paraan, mapapanatag ang kalooban ng mga mamamahayag.