Dear Attorney,
Nagtatrabaho po ako sa ibang bansa nang mamatay ang aking mga magulang noong isang taon. Hindi na po ako nakauwi at lingid sa kaalaman ko ay pinaghati-hatian na pala ng mga kapatid ko ang mana mula sa aking magulang ng hindi ko alam sa pamamagitan ng pagpirma sa isang extrajudicial settlement. May habol pa ba ako sa hati ko sa mana?-- Maricris
Dear Maricris,
Bilang anak, isa ka sa mga tinatawag na compulsory heirs o sapilitang tagapagmana ng iyong mga magulang. Dahil isa kang compulsory heir, hindi ka dapat na-etsapuwera sa paghahatian ng mana at isinali ka dapat ng iyong mga kapatid sa extrajudicial settlement na kanilang pinirmahan.
Ayon sa Section 4, Rule 74 ng Rules of Court, ang isang tagapagmana na napagkaitan ng kanyang bahagi ay maaring dumulog sa korte upang hilingin na desisyunan ang tamang hatian ng yamang naiwan ng mga namayapa. Ang pagdulog na ito ay kailangang gawin sa loob ng dalawang taon mula nang inilathala ang anunsiyo ng extrajudicial settlement sa mga pahayagan.
Ayon sa iyo, isang taon pa lamang na namamatay ang iyong mga magulang at hindi mo nabanggit kung ang extrajudicial settlement na pinirmahan ng iyong mga kapatid ay nai-file na ba sa registry of deeds at kung naipalathala na rin ito. Kung hindi pa ay mabuting kausapin mo ang iyong mga kapatid at ipaliwanag mo sa kanila na mawawalan din naman ng bisa ang extrajudicial settlement kung hindi ka nila isasama. Kung sakaling nai-file na ang extrajudicial settlement ay siguraduhin mo na lang na makakapagsampa ka ng kaso sa loob ng dalawang taon mula nang mailathala ito.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paliwanag lamang na ang mga payong legal na nakasaad dito ay ayon lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.