EDITORYAL - Basura, tambak na naman sa mga sementeryo

KAHAPON at hanggang ngayon, dagsa ang maraming tao sa sementeryo para dalawin ang kani-kanilang mga yumao. Maraming nagdala ng pagkain at doon nagsalu-salo. Tradisyon na ito na kapag Araw ng mga Patay ay magkikita-kita sa puntod ng mga yumao. Hindi mapipigilan ang ganitong kaugalian na noon pa ginagawa ng mga Pinoy.

Ang problema lang, lahat nang kanilang basura ay basta na lamang iniiwan sa sementeryo. Pagkaraan ng mainit na pagkikita, pagkukumustahan, pagkukuwentuhan at masarap na kainan, tambak ng basura ang makikita sa sementeryo. Taun-taon ay ganito ang tanawin sa lahat ng sementeryo. Sa kabila na may mahigpit na paalala ang mga awtoridad na huwag magkakalat o iiwan ang kanilang basura sa semen-teryo, hindi pa rin ito nasusunod. Ang kawalan pa rin ng disiplina ang nangibabaw.

Noong nakaraang Undas 2018, mahigit 100 trak ng basura ang nakolekta. Noong Undas 2017, 150 trak ng basura ang nakuha sa mga sementeryo sa Metro Manila. Noong Undas 2016, nakakuha ng 168 trak; Undas 2015, 100 trak at noong Undas 2014, 98 trak.

Ngayong Undas 2019, maaaring 200 trak ng basura ang makukuha sa mga sementeryo sa Metro Manila. Parami nang parami sapagkat hindi marunong sumunod ang mga nagtutungo sa sementeryo. Tila sinasad­ya pa ang pag-iiwan ng kanilang basura. Balewala ang paalala ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na huwag mag-iwan ng basura.

Ayon sa MMDA kabilang sa mga basura na kanilang hinakot ay mga styrofoam tray ng pagkain, plastic na botelya ng tubig, cup ng noodles, coffee sachet, plastic na supot na pinaglagyan ng soft drinks, buko juice, sago at marami pang iba. Ang mga basu-rang nabanggit ay pawang hindi nabubulok at ang mga ito ang nagiging dahilan nang pagbaha.

Magkaroon ng disiplina ang magtutungo sa sementeryo. Sundin ang paalala ng mga awtoridad na huwag iwanan ang basura. Sikaping Magdala ng sariling plastic na lalagyan at dito ilagay ang basura at saka bitbitin sa pag-uwi.

Kung ang lahat nang dadalaw sa sementeryo ay magiging responsable sa pagtatapon ng basura, maiiwasan ang mga pagbaha. Hindi na mauulit ang nangyaring pagbaha na ang ugat ay ang mga basu-rang bumabara sa mga daluyan ng tubig. Pairalin ang disiplina sa pagdalaw sa kanilang mga yumao – huwag iiwan ang basura.

Show comments