Tinaguriang “world’s worst city to drive in” ang Manila o marahil ang buong Metro Manila.
Ayon ito sa pag-aaral ng traffic navigation software at application na Waze.
Binase ang pag-aaral sa bawat isang kilometrong takbo ng sasakyan. Umaabot sa halos limang minute o 4.88 minutes ang isang kilometrong takbo.
Ito ang pinakamatagal na pag-usad ng sasakyan kung ikukumpara sa ibang bansa.
Kaya nga maraming nagmamaneho ang nagsasabing pinakaayaw nilang mag-drive sa Pinas lalu na sa Metro Manila dahil nga sa sobrang stress ang kanilang inaabot.
Ganyan naman talaga ang kalbaryong dinaranas ng mga motorista araw-araw dahil sa matinding trapik.
Sang-ayon naman ang MMDA sa ginawang pag-aaral ng Waze, kasabay nang pagsasabing ang volume ng mga sasakyan ang siyang pangunahing dahilan dito.
Inihalimbawa ng MMDA ang kahabaan ng EDSA na talaga namang sa matagal na panahon ay numero 1 na yata sa pinakamatrapik na lansangan sa buong bansa. Sinasabing nasa 245,000 na sasakyan ang kapasidad nito kada-araw, pero umaabot sa 410,000 behikulo ang nagsisiksikan dito araw-araw.
Ibig lang sabihin, walang natitirang espasyo dahil halos doble ang bilang ng mga sasakyan na dumadaan.
Hindi lumuluwag ang mga lansangan, pero parami nang parami ang sasakyan.
Dapat dito tumutok ng solusyon kung laging ang volume ng mga behikulo ang nagiging dahilan.
Pwedeng mas palakihin ang daan o magbawas ng sasakyan. Ito ang dapat na isipan ng paraan.