Dear Attorney,
May naghahabol po sa lupa na matagal nang tinitirhan na ng aming pamilya. Bilang katibayan ng kanyang diumano’y pagmamay-ari sa lupa ay ipinakita niya sa amin ang isang tax declaration na nasa kanyang pangalan at inisyu noon pang 1983. Ayon sa kanyang tax declaration, inookupa raw ng tinitirhan namin ang bahagi ng kanyang lupa.
Nang tanungin namin kung mayroon pa ba siyang ibang dokumento bukod sa kanyang tax declaration katulad ng titulo na maaring magpatunay sa kanyang sinasabing pagmamay-ari sa aming tinitirhang lupa ay wala naman siyang maipakita.
Ngunit katulad po niya ay tax declaration na inisyu noon pang 1970 ang tanging hawak naming katibayan ng aming pagmamay-ari sa lupa. Wala rin po kaming maipapakitang titulo sa lupang aming tinitirhan ngayon. Kung sakali po na totoo at hindi peke ang tax declaration na ipinakita sa amin ng naghahabol, sino pa kaya sa amin ang mas may karapatan sa lupa?
Ronald
Dear Ronald,
Kayo ang may mas matimbang na karapatan sa lupa. Alinsunod ito sa kaso ng Cequena v. Bolante (G.R. No. 137944, 6 April 2000) kung saan itinakda ng Korte Suprema na hindi sapat na katibayan ang tax declaration lang sa pagpapatunay ng pagmamay-ari sa lupa. Upang maging sapat na ebidensiya ng pagmamay-ari ang isang tax declaration ay kailangang samahan ito ng aktwal na pag-okupa sa lupa.
Ito rin ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Palali v. Awisan (G.R. No. 158385, 12 February 2010) kung saan pinaboran ang mga matagal nang nakatira sa lupa na may hawak na tax declaration kaysa sa mga naghahabol na tanging tax declaration lang ang katibayan ng kanilang diumano’y pagmamay-ari sa lupa.
Base sa mga desisyong nabanggit ay kayo po ang may mas matimbang na karapatan sa lupa dahil bukod sa tax declaration ay kayo pa ang kasalukuyang naka-okupa sa lupa, kumpara sa naghahabol sa inyo na tanging tax declaration lamang ang pinanghahawakan.
Nawa’y nasagot ko ng lubos ang inyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay base lamang sa mga impormasyong inyong inilahad kaya maaring mag-iba ito sakaling may ilang mahahalagang bagay kayong hindi nabanggit.