EDITORYAL – Mag-ingat sa sunog
SUNUD-SUNOD ang mga nangyayaring sunog sa Metro Manila at mayroong mga namatay. Noong nakaraang linggo, nagkasunog sa Quiricada St. Sta. Cruz, Manila at maraming bahay ang naabo. Wala namang namatay o nasugatan. Naiwang kandila ang pinagmulan ng sunog. Nagkaroon din ng sunog sa Port Area at ilang bahay din ang natupok. Overloading na kawad ng kuryente naman ang dahilan ng sunog.
Kamakalawa, nagkaroon ng sunog sa Bgy. Pasong Putik, Quezon City na ikinamatay ng mag-asawa at 1 anak. Sumingaw na gas ang itinuturong dahilan ng sunog. Hindi umano nakalabas sa kanilang bahay ang mga biktima.
Hindi pa natatagalan nang masunog din ang Star City na naging dahilan para matigil ang operasyon. Matatagalan pa bago muling mabuksan ang Star City. Nagkaroon din ng sunog sa Malabon kamakailan na ang dahilan din ay naiwanang kandila.
Ngayong Undas na karaniwang umuuwi sa kani-kanilang mga probinsiya ang mga tao, nararapat na siguruhin na ligtas ang iiwanang bahay. Tiyakin na walang nakasaksak na appliances na pagsisimulan ng sunog. Kagaya nang nangyari sa isang bahay sa Novaliches, Quezon City na naiwang nakasaksak ang tsina-charge na cell phone. Bago umalis ng bahay nararapat na inspeksiyunin ang mga gamit o appliances para matiyak na walang pagmumulan ng sunog.
Maging responsable naman ang ilang kababayan na naging kaugalian na magtirik ng kandila sa harapan ng kanilang bahay para raw sa mga kaluluwa ng namayapa. Tiyakin na ang pagtitirikan ay walang mga nakakalat na papel, tuyong dahon at sanga na maaring pagsimulan ng sunog. Bago magsindi ng kandila, tiyakin na walang mga bagay na madaling sumiklab at magdudulot ng sunog.
Panatilihin ang pag-iingat lalo ngayong mainit ang panahon na sa isang iglap ay sumisiklab ang sunog.
- Latest