Nagsimula nang magdagsaan sa mga terminal, paliparan at pantalan ang mga pasahero na magsisiuwi sa kanilang mga lalawigan ngayong Undas.
Kaya nga inaasahang bahagyang magluluwag ang Metro Manila dahil nga sa exodus ng mga tao sa mga probinsya.
Eto at rerespondehan natin ang ating mga kababayan na mapaalalahanan sa kanilang mga pagbibiyahe para maiwasan ang aberya at mga problema.
Una na nga siyempre, alam naman natin na marami ngayon ang maglilipanang mga ‘kaluluwang ligaw’ na alam na alam na ng ating mga karesponde kung sino ang mga ito.
Ito ang mga kawatan na gumagala sa lansangan habang ang marami ay nasa sementeryo o umuwi sa mga lalawigan. Sila naman ang nagmamanman sa mga bahay-bahay na pinagdidiskitahan nilang looban. Ingat tayo sa mga ito kaya nga kung iiwan na walang tao sa bahay siguruhing maibilin sa pinagkakatiwalaang kapitbahay.
Pagdating naman sa mga terminal, pantalan at maging sa paliparan ay dapat na masiguro ang inyong mga bagahe, baka may sumalisi ring mga mapagsamatalang kawatan.
Mabibilis ang mga ‘yan, malingat ka lang wala na ang iyong mga daladalahan.
Hanggat maaari ay agahan ang tungo sa mga ito para magkaroon man ng aberya may oras na nakalaan nang hindi maiwan ng biyahe.
Sa mga magdadala naman ng kanilang pribadong sasakyan, tiyaking nasa kondisyon ang mga ito.Kapag nasa daan na, lamig ng ulo ang kailangan para matiwasay na makarating sa inyong paroroonan.
Sa mga magtutungo naman sa mga sementeryo, kailangan din ang lubhang pag-iingat sa mga salisi at iba pang masasamang elemento na may inihandang ibat-ibang modus para makapanloko.
Ang mga bitbit na maliliit na anak lagyan ng name tag para magkawalaan man pwede kayong makontak.
Hangad natin ang matiwasay ninyong paglalakbay.