Ngayon lang nangyari na ang surbey ay naghatid na ngiti sa mga labi.
Dati ang mga lumalabas na surbey ay nagsasabing marami ang nagugutom at nakararanas na hindi kumain sa maghapon.
Pero sa pinakabagong surbey ng Social Weather Stations (SWS) noong nakaraang buwan, nabawasan ang mga nagsabing sila ay naghihirap sa buhay. Ayon sa SWS, 42 percent lamang ng mga pamilya ang nagsabing sila ay naghihirap at nagugutom.
Mas mababa ito sa surbey noong nakaraang Hunyo na 45 percent. Tanging sa Visayas lamang marami ang nagsabi na sila ay naghihikahos. Halos lahat ng rehiyon, marami ang nagsabing hindi nila itinuturing na sila ay naghihikahos o naghihirap sa buhay.
Ang survey ay labis namang ikinatuwa ng Malacañang. Patunay lamang daw ito na ginagawa ng pamahalaan ang lahat para mapagaan ang buhay ng mamamayan. Ito naman daw talaga ang kanilang sinisikap at gustong maisakatuparan --- ang mapaganda ang buhay ng bawat Pilipino. Nais ng pamahalaan na maging komportable ang buhay. Target pa umano ng pamahalaan na mabawasan nang malaki ang mga nakararanas ng kahirapan. Pinag-aaralan na umano ng economic managers kung paano mababawasan ang mga naghihikahos at mapaunlad ang kanilang buhay.
Maganda kung magtutuluy-tuloy ang ganitong nararanasan ng mamamayan. Mas mainam kung maibababa ang presyo ng mga pangunahing panga-ngailangan gaya ng bigas. Sa kasalukuyan, mataas pa rin ang bawat kilo ng bigas sa kabila na maraming imported. Sabi ni President Duterte noon, target ng kanyang administrasyon na mapababa ang bigas pero bakit hindi natupad. Ibaba rin ang pamasahe at ang bayad sa tubig at kuryente. Maibigay lamang ang mga nabanggit marami nang matutuwa sa buhay. Malaking kaginhawahan na ang mga ito at hindi na nila ituturing na naghihikahos. Kailangang maramdaman nila ang gaan ng buhay. Magiging masaya ang lahat kung ang kanilang karampot na kinikita ay mayroon nang katumbas na nabibili na ipanlalaman sa sikmura.