Sa ulap tayo magtatagpo (Last Part)

ANG senyales na nagtagumpay ako kasama ang mga kamag-anak ni Laura na maitaas namin ang kanyang espiritu sa kabilang buhay ay ang pananariwa ng puno at mga dahon nito. Masayang ibinalita sa amin ng nanay ni Laura na naging sariwa na ang mga dahon ng puno. Ang isa pang palatandaan na nananahimik na si Laura ay hindi ko na siya makikita sa loob ng bus. Bago ilipat ang kanyang labi sa aming museleo, nag-usap kami nang masinsinan :

Mami-miss kita, Laura. Hahanap-hanapin ko ang pagkukuwentuhan natin.

Malungkot man ang paghihiwalay natin, may kasama naman itong saya: una, makakaakyat na ako sa langit at ikaw magiging normal na ang buhay mo. Hindi ka na kukulitin ng mga kaluluwa.

Sana kapag namatay ako, salubungin mo ako sa ulap ha? Doon muna tayo magkikita para ikaw ang aking magiging tourist guide pagpasok ko sa langit. Mangako ka sa akin.

Pangako, hihintayin kita.

Lumipas ang maraming araw nagpatuloy ang aking buhay. Wala ng espiritu na nagpapakita sa akin. Isang araw, nasa second year high school na ako, pag-akyat ko sa school bus ay nakita ko si Laura! Nilapitan ko siya at niyakap. Sabik na sabik na ako sa kanya. Pero napatigil ako. Nakangiti si Laura.

O, bakit?

Balik na naman ako sa pagiging lapitin ng multo?

Jef, patay ka na… kaya nakikita mo ako.

Naaksidente ang school bus at tumilapon sa bangin. Marami sa mga estudyante ang namatay…kasama ako.

Halika na, Jef...

Masuyo akong inakay ni Laura. Sabay kaming lumutang-lutang sa ulap patungo sa kaligayahang walang hanggan.

Show comments