Sa ulap tayo magtatagpo

(Part 10)

ANG enerhiya ng puno kung saan inilibing si Laura ay humina hanggang sa tuluyang nasira na naging sanhi ng unti-unting pagkabulok ng puno. Nagalit kay Laura ang mga espiritu namamahay dito kaya upang makaganti, ikinulong nila ang kaluluwa ni Laura sa school bus na kinamatayan nito.

Bumalik kami sa probinsiya baon ang mga itunuro ni Mang Fred sa akin kung paano ko tutulungang makatawid sa kabilang buhay si Laura. Sa kauna-unahang pagkakataon ay biniro ako ni Mama:

“Ang daming alive and kicking na mga babae diyan, bakit naman sa multo ka pa nagkagusto, anak?”

Napangiti ako. Pinilosopo ko nga.

“Dahil siya po ang soul…mate ko”

Kinabukasan sa school bus, sinabi ko ang aking plano kay Laura. This time, hindi na ako nakikipag-usap verbally. Nag-uusap na lang kami sa pamamagitan ng isipan. Mahirap na, pinagtsitsismisan na ako ng mga ka-service ko. Weird daw ako.

“Kailangang mailipat ko ang iyong labi sa sementeryo. Para magawa iyon ay kailangan kong makipag-usap sa iyong mga magulang. Pero paano? Magtataka sila. Bigla na lang akong susulpot sa bahay ninyo at magpapakilalang kaibigan mo. Tapos sasabihin ko... Hello po, ako po si Jef, friend ng anak ninyong si Laura, ililipat ko sa sementeryo ang labi ng inyong anak. Halika po, hukayin na po natin ang inyong anak. Tsk...tsk...awkward. ”

Humalakhak nang humalakhak si Laura. Tawang-tawa sa sinabi ko. For the first time noon ko lang siya nakitang tumawa. Biglang nagliwanag ang kanyang espiritu. Nakita ko nang maliwanag ang tunay na hitsura niya noong nabubuhay pa. Kasi sa buong panahon ng aming pagkikilala, blurred ang hitsura niya. Minsan ay mukha lang ang malinaw pero ang kabuuan ng katawan ay parang manipis na usok lang. Talagang napakaganda niya. Lalo akong nanghinayang kung bakit nang magkita kami ay nasa magkaibang kalagayan na kami.

“Alam ko na Jef, kukunekta ako sa panaginip ng aking ina. Ipapaliwanag ko kung bakit kailangan na nilang ilipat ako sa sementeryo. Sabihin mo sa akin ang iyong address at sila mismo ang pupunta sa iyo.”

(Itutuloy)

Show comments