INOSENTE pa si dating Philippine National Police chief Gen. Oscar Albayalde at ang 13 ninja cops sa akusasyon na sangkot sila sa drug recycling sa Pampanga noong 2013 hanggang sa hatulan sila ng korte, ayon sa PNP.
Sinabi ng PNP na hayaan nila ang “fairness at due process” sa kaso nina Albayalde at ninja cops at habang dinidinig ang kaso ay inosente pa sila hanggang na “proven guilty” sila ng korte. Sa rekomendasyon ng Senado, nag-file ang CIDG-PNP ng kasong paglabag ng Comprehensive Dangerous Drugs Act, bribery, falsification of documents, perjury, and dereliction of duty sa Department of Justice (DOJ) laban sa mga akusado.
Ang bitbit lang na ebidensiya ng CIDG ay ang laway nina Baguio City Benjie Magalong at dating deputy ret. Brig. Gen. Rudy Lacadin. Araguuyyy! Kung sabagay, sinabi naman ni Palace spokesman Salvador Panelo na mahina ang kaso laban kay Albayalde, subalit “let the law take its course.” At idiniin ni Panelo na hindi puwedeng humarap ng kasong administratibo si Albayalde dahil lumayas na ito sa PNP. Hak hak hak! Kaya maliwanag pa sa sikat ng buwan na tatanggap ng full benefits si Albayalde sa PNP. Tumpak!
Hindi naman dapat ma-low morale si Albayalde dahil hindi lang naman siya ang PNP chief na isinangkot sa droga kundi maging sina dating PNP chief’s Roberto Lastimoso at Panfilo “Ping” Lacson. Si Lastimoso ay PNP chief noong panahon ni Pres. Erap Estrada at ganundin si Lacson.
Si Lastimoso ay sinibak matapos gamitin ng isang Billy Jaca ang kanyang pangalan para ma-release ang isang drug lord na nahuli ng anti-drug agents. Si Lacson naman ay inakusahan sa isang artikulo na kumakalat sa social media na protektor ng drug syndicate noong PNP chief pa siya. Araguuyyy!
Subalit ang sagot ni Lacson sa akusasyon laban sa kanya ay “why not charge me in court.” Hak hak hak! Di ba ang sagot ni Lacson ang sagot din ni Albayalde sa Senate hearing dahil wala namang ikinaso sa kanya mula noong 2013. At ngayon lang naisipang kasuhan siya after six long years dahil lang sa laway ni Magalong? Get’s n’yo mga kosa?
Sa totoo lang, baka maging blessing in disguise pa ang pagkawala ni Albayalde bilang PNP chief at malay natin baka mabigyan siya ng magandang puwesto sa gobyerno ni President Digong. Siyempre, ang halimbawa ko ay si Lastimoso na naging hepe pa ng Land Transportation Office (LTO) matapos malinis niya ang pangalan.
Si Lacson naman ay nanalong senador, tapos natalo sa pagka-presidente at sa ngayon ay balik senador na muli. O di ba, naging blessing in disguise pa ang pagkasabit nina Lastimoso at Lacson sa droga at sa katunayan tumaas pa ang puwesto nila sa gobyerno? Araguuyyy! Hak hak hak! Weder-weder lang talaga, no mga kosa? Tumpak!
Sinabi naman ni PNP OIC Lt. Gen. Archie Gamboa na rerespituhin nila ang desisyon ng korte sa kaso ng mistah niya na si Albayalde at ninja cops.
Habang palapit na ang pagretiro ni Albayalde sa Nobyembre 8, mukhang lumalaki ang tsansa ni Gamboa dahil sa magandang performance niya nitong nagdaang mga araw. Kaya lang ang people’s choice talaga ay si Maj. Gen. Guillermo Eleazar, ang Chief of Directorial Staff ng PNP. Abangan!