EDITORYAL - Dapat may ‘kamay na bakal’ang susunod na PNP chief
Sinabon umano ni President Duterte ang matataas na pinuno ng Philippine National Police (PNP) dahil sa “ninja cops”.
Dismayado raw ang Presidente sa nangyayari na mga pulis ang inaakusahan sa “drug recycling”. Noong Lunes, nagbitiw na si PNP chief Oscar Albayalde at itinalaga naman bilang officer-in-charge si Lt. General Archie Gamboa. Ang pagbibitiw ni Albayalde ay kasunod nang imbestigasyon sa Senado ng 13 “ninja cops”.
Inakusahan si Albayalde na “inaarbor” ang kanyang mga tauhan na nang-raid sa bahay ng drug lord. Itinanggi naman ni Albayalde ang akusasyon ganundin ang bintang na nakinabang siya sa drug recycling.
May katwirang madismaya ang Presidente sapagkat sa simula pa lang maigting na ang kam-panya ng pamahalaan sa illegal na droga. At wala siyang alam na tutulong sa kanya sa pagpapatupad ng kampanya kundi ang mga pulis.
Para maisaayos ang kalagayan ng mga pulis, tinaasan niya ng suweldo ang mga ito. Katwiran niya, kapag malaki ang suweldo, hindi na gagawa ng kasamaan. Pero nagkamali ang Presidente sapagkat lalo lang gumawa ng kabalbalan ang mga pulis. Para kumita nang malaki, nag-recycle ng droga. Kakahiya ang ginagawa ng mga ito na lubos na nagpababa sa imahe ng PNP.
Ngayong nadawit ang kanyang inindorsong si Albayalde, maaaring mag-ingat na ang Presidente sa pagpili ng susunod na PNP chief. Maaaring dumaan sa butas ng karayom ang gagawing pagpili. Maaring maging mas maingat na siya ngayon.
Sana ang mapipili namang PNP chief ay magkaroon nang “kamay na bakal” laban sa mga scalawags na pulis. Sana, malipol ang mga “ninja cops” na nagpapadungis sa PNP.
- Latest