BUMAGSAK siya sa grade 3 kaya inulit niya itong muli. Ito ang naging dahilan kaya nawalan siya ng tiwala sa sarili. Ang tingin niya sa sarili ay napakabobo. Noong siya ay nasa 6th grade ay nagkaroon ng party ang kanilang section. Noong lang nila nalaman na magaling mag-tap dance ang kanilang adviser. Itinanong nito kung sino sa mga estudyante ang marunong mag-tap dance. Walang sumagot. Nahihiya siyang umamin na marunong siyang mag-tap dance.
Physical Education instructor sa isang unibersidad ang kanyang ina at tap dance ang isa sa itinuturo niya bukod sa tennis. Isang kaklase niya na inaanak sa binyag ng kanyang Mama ang sumigaw na: Si Erwin po, magaling mag-tap dance!
Hinila siya sa gitna ng dance floor ni Miss Neri at sumayaw sila ng tap dance. Pakiramdam niya nang oras na iyon ay nasa gitna siya ng kompetisyon at kailangan ibigay niya nang todo ang galing niya sa pagsasayaw dahil kahiyaan na ‘yun. Kaya naman pagkatapos nilang magsayaw ng adviser ay pinuri siya. Hindi lang sinabing marunong siyang mag-tap dance, kundi ginamit pa ang salitang magaling.
Pinalakpakan sila ng kanyang mga kaklase. Ang galing-galing daw pala niyang mag-tap dance. Simula nang araw na ay naramdaman niya ang pagpapahalaga sa kanyang sarili. Natuklasan niya na marami pa palang bagay ang kaya niyang gawin. Higit pa sa pagta-tap dance. Tumaas ang kanyang pangarap. Pagdating sa kolehiyo, nagpasiya siyang kumuha ng medisina. Nagpakadalubhasa siya sa ibang bansa at ngayon ay isa nang espesyalista sa sakit sa puso.