Dear Atty.,
Inireklamo po ako ng tindahan kung saan ako na-assign bilang security guard ng aking agency. Dahil dito, pinalitan ako at nalagay sa floating status sa huling 4 na buwan. Tama po ba na hanggang ngayon ay wala pa rin akong natatanggap na suweldo at wala pa rin akong bagong assignment? — Rolly
Dear Rolly,
Bagama’t hindi ito binabanggit sa ating Labor Code ng diretso, ang konsepto ng floating status kung saan pansamantala na mawawalan ng trabaho ang isang empleyado, hindi naman ipinagbabawal ng batas. Sa katunayan nga ay kinikilala pa ng Labor Code na may mga pagkakataon talaga na maaantala ang pagtatrabaho ng isang empleyado katulad ng suspensyon ng operasyon ng isang negosyo, na maaring tumagal ng hindi hihigit sa 6 na buwan.
Kinikilala rin ng Supreme Court ang espesyal na sitwasyon ng mga security agencies kaya marami na ring mga kaso kung saan pinayagan ang paglalagay sa mga security guard na katulad mo sa floating status ng hindi hihigit sa 6 na buwan. Hindi kasi maiiwasan sa trabaho ng mga security guard na mabakante pansamantala, katulad ng kapag natapos na ang kontrata ng security agency at wala pang bagong kliyente na maaring mapaglilipatan ng assignment sa mga security guards.
Ang mahalaga ay hindi humigit sa 6 na buwan ang pagkakalagay mo sa floating status dahil kung mangyari man iyon ay masasabing constructive dismissal na ang ginawa sa iyo at kailangang bigyan ka na ng security agency mo ng separation pay.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payo na nakasaad dito ay base lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.