NOONG nakaraang buwan, sinalakay at pinaghuhuli ng mga awtoridad sa Maynila ang mga nagbebenta ng mga umano’y nakaw na cell phone sa ilang stall sa ilang shopping mall at bangketa. Hindi nga lang malinaw kung paano nila nalaman o natukoy na nakaw Ang mga cell phone na itinitinda sa naturang mga lugar. Hindi naman lahat ng segunda mano ay nakaw.
Isang bentahe sa mga segunda manong cell phone or smart phone ang mas mababang presyo nito kumpara sa mga bago o brand new at orihinal na ganitong gadget. Alternatibo siya ng mga tao na kapos sa badyet at walang kakayahang makabili ng mga smart phone na bago at brand new pero napakamahal. Kaya naman kahit ang mga ordinary, maliliit at mahihirap na tao ay nakakatamasa rin ng ganitong teknolohiya. Obrero man o tindera, driver, katulong sa bahay, waiter, magsasaka, mangingisda, informal settler, at iba pang tulad nila ay nagagawang magkaroon ng cell phone kahit luma na at mumurahin.
Isang isyu nga lang kung nababatid o kung itinatanong ng mga bumibili ng segunda manong smart phone / cell phone kung saan ito galing. Malawak kasi ang ibig sabihin ng segunda mano. Puwedeng sobrang suplay lang ito ng mga tagagawa ng cell phone na dahil naluma na at hindi na mabili kaya ibinebenta na lang nang palugi o sa presyong mas mababa sa orihinal na presyo. Puwede ring mga dati itong sirang cell phone na naipaayos kinalaunan at ibinenta bilang segunda mano. Dati nang may gumamit nito at ibinenta na lang. Meron namang mga cell phone na isinangla pero hindi na natubos ng orihinal na may-ari kaya naremata at ibinenta na lang. At ang pinakagrabe nga, maaaring isa itong GSM na pinaikling salita ng Galing Sa Magnanakaw.
Walang ispesipiko at epektibong paraan para malaman kung ang isang segunda manong cell phone ay nakaw. Pero binabanggit ng mga eksperto na maaaring tingnan muna ang IMEI number ng binibili ninyong cell phone para malaman kung hindi ito na-blocked. Ang IMEI number ay hard-coded sa cell phone. Imposible itong mapalitan o mabago nang hindi masisira ang gadget. Bina-block ito halimbawa ng National Telecommunication Commission kapag inireport dito na nawala o nanakaw ang cell phone.
Kaya, kung ayaw ipakita ng nagbebenta ang IMEI, humanap na lang ng ibang mabibiling segunda mano. Makakatulong ka pa sa orihinal na may-ari ng cell phone kung nakaw nga ito.