Vendors, bumabalik na sa Divisoria!

PASIMPLENG bumabalik ang mga vendor sa kahabaan ng Divisoria sa Manila kung itong mga posts at komento sa social media ang gagawing basehan. Hindi ko masabi kung si Mayor Francisco Domagoso ay tumatanggap na ng P5 milyon kada araw bilang tong sa mga vendor, subalit ang maliwanag nito ay tinotolongges siya ng kanyang mga alipores. Araguuyyy!

Ang unang post ay ang litratong nagpakita ng nagkalat ng paninda sa gitna ng kalye sa Divisoria, malapit sa 168 mall. Subalit matapos kumalat ang post sa social media, pinagligpit ng mga tauhan ni Domagoso ang mga vendors na ikinagalit nila dahil nagbibigay naman sila ng lagay sa City Hall. Siyempre, ang binabanggit na kolektor ng City Hall ay isang ate Rose, subalit hindi na nito alam kung sino ang nag-utos nito. Etneb, etneb lang ba?

Ang post naman ni kosang Dave Baluyot ay ganito: Mukhang may tumotolongges kay yorme kois, hehehe...11 am kanina dumaan yung mtpb sa avenida rizal, as expected walang sidewalk vendors...paglagpas ng motorcycling mtpb, kasunod ang nakamotor na lalaki in civilian clothes: “ok na nakadaan na” sabi niya... ATM, sangkaterba ang sidewalk vendors, hehehe... Araguuyyy! Kung si Domagoso ay hindi korap, masasabi kaya ito ng kanyang mga alipores tulad nina Jonathan at Sgt. Tubera? Ano ang say mo Maj. Rosalino Ibay Jr., ang hepe ng SMART? Hak hak hak! May maitago pa ba sa ngayon sa panahon ng hi-tech gadgets? Wala na, ‘di ba mga kosa?

Maliwanag pa sa sikat ng araw na talagang pinangatawan ni Domagoso na hindi na bumalik ang vendors sa Divisoria. Kaya lang kung uriratin mong maigi itong mga post sa social media, maliwanag na tinotolongges ng mga alipores niya si Domagoso. Kasi nga, susulpot nga ang mga vendors sa Dagupan o kung saan mang parte ng Divisoria, kapag nakarating ito sa kaalaman ni Domagoso, aba pinapaligpit talaga sila. Ang talo rito ay ang mga vendors na nagbibigay ng arawang tong subalit binubuliglig pa sila. Araguuyyy!

Siyempre, kapag nagkapaglatag ng paninda nila ang mga vendors, ang unang tinitingnan ng mga Manilenyo at iba pang tagahanga ni Domagoso ay ang butihing mayor at hindi ang mga alipores niya, di ba mga kosa? Pero sa totoo lang, ang kumikita sa estilong ito na latag-baklas ng mga vendors ay ang mga alipores ni Domagoso, di ba Maj. Ibay Sir?

At sino naman maglakas loob sa mga vendors na sumuway sa kautusan ni Domagoso na no vendor sa Divisoria kung walang basbas sa mga alipores niya na gutom din at gustong tularan ang money-making scheme ni Dennis Alcoreza, ang bagman ni dating mayor Erap Estrada? Hak hak hak! Kung pitsa-pitsa ang lakad ng mga bataan ni Alcoreza noon ay ganundin naman ang ginagawa nila sa ngayon, di ba mga kosa? Bakit kasi kinuha pa ni Domagoso ang mga Doberman ni Alcoreza at tuloy puro kahihiyan ang dala nila.

Dapat sibakin ni Domagoso ang mga bataan ni Alcoreza para manahimik ang pangalan niya at maniwala ang mga Manilenyo na seryoso siya sa paglilinis niya ng Maynila. Kasi nga, kahit magaling pa ang may hawak propaganda n’ya, lalo na sa social media, eh abot naman ng Manilenyo kung ano talaga ang nangyayari sa Divisoria at iba pang kalye sa Maynila. Abangan!

Show comments