TAONG 1889. Lugar: America. Isang negosyante ang napaupo sa bench na nasa parke. Nanlalambot siya dahil bankrupt na ang kanyang negosyo. Habang nakasubsob ang ulo sa kanyang mga palad, naramdaman niyang may umupo sa kanyang tabi. Paglingon niya ay isang lalaking mas maedad kaysa kanya na may maamong mukha ang tumambad sa kanyang paningin.
Napakabigat yata ng iyong iniisip, kaibigan.
Napaiyak siya at ewan kung bakit nasiwalat niya nang kumpleto sa matanda ang naging problema niya sa kanyang negosyo.
May inilabas na tseke ang matanda, $100,000 ang nakasulat na halaga at ang nakapirmang pangalan ay Andrew Carnegie. Pangalan iyon ng pilantropong steel tycoon at pinakamayamang tao sa Amerika. Nabigla siya, hindi makapagsalita at natulala. Diyata’t ang pinakamayamang tao sa kanilang bansa ay kaharap niya? Habang iniaabot ang tseke sa kanya, ang sabi ng matanda:
Heto, gamitin mo ang perang ito para makapagsimula ka ulit. Sa isang taon, sa kaparehong petsa, muli tayong magkita sa mismong lugar na ito. Saka mo ako bayaran.
Nabuhay muli ang pag-asa sa puso ng negosyante. Nanumbalik muli ang kanyang tiwala sa sarili kagaya noong umaasenso pa ang kanyang negosyo. Itinago muna niya ang tseke sa kanyang steel cash box.
Plano niyang itago muna ang tseke. Susubukan niyang mag-loan sa banko at mangutang sa mga suppliers. Palibhasa ay confident na may pambayad siya, gumana muli ang husay niya sa pagsasalita kaya nakumbinsi ang mga inuutangan na muli siyang pagbigyan.
Sa paglipas ng mga araw, muli niyang itinayo ang negosyong babagsak na sana. Dumating ang petsang pinag-usapan nila ng mayamang lalaki. Muli niyang kinuha ang tseke at iyon mismo ang kanyang isasauli. Kahit hindi niya nagamit ang tsekeng iyon, malaki ang nagawa nito sa kanyang tiwala sa sarili upang bumangon muli sa pagkakalugmok.
Naroon na ang matanda nang dumating siya sa parke. Kasabay niyang lumapit ang isang nurse. Binati niya ang matanda ngunit sa malas ay hindi siya nakilala nito. Nagpaliwanag ang nurse na kasama.
Sir sorry po. Wala na siyang nakikilala kundi ang kanyang idolong si Andrew Carnegie. Noong isang taon pa siya may dementia. Ang akala niya ay siya si Andrew Carnegie.
Noong panahong iyon, ayaw ng mayayaman na inilalathala ang kanilang litrato sa mga pahayagan. Kaya wala siyang ideya kung ano ang hitsura ni Carnegie. Napahalakhak nang malakas ang negosyante. Wala palang halaga ‘yung tseke na iningatan niya nang isang taon. Pero hindi niya itatapon iyon. Ilalagay niya ito sa frame at isasabit sa opisina para alalahanin lagi kung paano nito binuhay ang tiwala sa kanyang sarili.