Isang lamok pa lang ang natatagpuan sa Iceland mula pa noong 1980s

MASUWERTE ang Iceland sapagkat walang lamok doon. Mula pa 1980s, isang lamok pa lang ang natatagpuan doon. Ang natagpuang lamok ay nakapreserba sa isang maliit na bote ng alcohol at nakalagak sa Icelandic Institute of Natural History. Nahuli ang lamok sa eroplano ng isang scientist.

Hanggang ngayon, misteryo pa rin sa mga dalubhasa kung bakit walang natatagpuang lamok sa Iceland gayung ang mga kalapit nitong mga bansa katulad ng Greenland at Norway ay pinamamahayan nang maraming lamok at insekto.

Ang maari raw dahilan ng kawalan ng lamok sa Iceland ayon sa mga  scientist doon ay dahil sa malamig na klima. Mas madalas kasing magyelo ang temperatura sa Iceland kaysa sa mga kalapit nitong mga bansa kaya hindi nagkakaroon ng pagkakataon ang mga lamok na mangitlog.

May mga naghihinala rin na baka kaya hindi makatagal ang lamok sa nasabing bansa ay dahil sa kakaibang chemical composition ng lupa at tubig sa Iceland.

Gayunpaman, hindi pa rin malayong magkaroon na ng lamok sa Iceland sa hinaharap dahil sa climate change. Nasa 200 na insekto na ang natutong manirahan sa Iceland dahil sa pag-init ng panahon at kung tataas pa ang temperatura ay maaring sumunod na rin ang mga lamok.

 

Show comments