EDITORYAL - Hindi muna sana nag-ingay ukol sa ‘drug queen’

NAPAGLALANGAN ang Philippine National Police (PNP) kaya nakalabas ng bansa ang tinataguriang “drug queen” ng Sampaloc na si Guia Gomez Castro. Wala ring dapat sisihin kundi ang PNP mismo. Hindi sana muna sila nag-ingay nang nag-ingay o naging madaldal ukol sa aktibidad ni Castro. Ang pagiging madaldal lalo pa sa isang sensitibong isyu ay hindi sana ginagawa. Siyempre kapag pumutok ang balita, nakakapaghanda ang suspek at mabilis na nakakalabas ng bansa. Kapag nakalabas na, mahirap nang mahuli ang suspek.

Kinumpirma ng Bureau of Immigration na nakalabas na ng bansa si Castro noong Setyembre 21, ilang araw makaraang pumutok ang balita na siya ang “drug queen” ng Sampaloc at nagmamantini ng mga “ninja cops”. Ayon sa report, ang mga corrupt na pulis o “ninja cops” ay nakikinabang kay Castro sapagkat ito ang bumibili ng “recycled shabu”. Ang mga “ninja cops” na karaniwang naka-assigned sa drug operations ay nire-recycle ang shabu na kanilang nakukumpiska. Si Castro umano na isang barangay chairman ang bumibili ng shabu.

Nanalong chairman si Castro noong nakaraang barangay election subalit naka-leave sa kasalukuyan. Itinanggi naman ng mga kaanak ni Castro ang mga akusasyon na sangkot ito sa recycled drugs. Ayon pa sa report, maraming “ninja cops” na naka-payroll kay Castro at ang ilan ay binibigyan niya ng SUV.

Sinabi naman ng Immigration na hindi nila puwedeng harangin o pagbawalan si Castro na makalabas ng bansa sapagkat wala namang kaso na nakasampa rito. Dapat ang PNP umano ang naging maigting sa pagsasampa ng kaso laban sa sinasabing “drug queen”.

Ang PNP ang maituturing na nagkaroon ng pagkakamali kaya nakalabas agad ng bansa si Castro. Sila ang nagkulang at wala nang iba. Higit sa lahat, walang ibang nakakaalam sa gawain ni Castro kundi ang PNP mismo kaya dapat sila ang maging masigasig para ito madakip at makasuhan. Hindi sana inuna ang pag-iingay sa isyung kinasangkutan ng “drug queen”.

 

Show comments