GITGITAN noon sa sidewalk na dinadaanan ko patungo sa sakayan ng traysikel pauwi sa aming bahay. Palibhasa’y siksikan ay dahan-dahan lang ang lakad ng mga tao.
Isang lalaki na naka-backpack ang nasa unahan ko. Sa aking kanan ay isang payat na lalaki ang palinga-linga sa kanyang paligid gayong wala namang bagay na dapat ikalinga. Napansin ko siya dahil mukha siyang adik at malakas ang “putok”. Grabe ang baho—pinagsamang amoy paa na inilublob sa imburnal at amoy ng nabubulok na daga!
Maya-maya ay napansin kong ipinasok ng mabahong lalaki ang kanyang kamay sa backpack ng lalaking nasa unahan namin. Mabilis ang kamay ng mabahong lalaki. Parang kaybilis niyang nadukot ang cell phone. Walang anumang umuna sa paglalakad ang mabahong lalaki samantalang walang kamalay-malay ang pobreng lalaking naka-backpack na nadukutan na siya.
Gusto kong sumigaw para mahuli ang mabahong lalaki pero natakot ako. Paano kung saktan ako ng mabahong lalaki? ‘Yun nga lang amoy niya ay pamatay na, ano pa kaya kung saktan niya ako? Hanggang sa bahay ay naiisip ko pa rin ang nadukutang lalaki. Bakit hindi ko ginawa ang dapat gawin ng isang mabuting mamamayan?
Isang gabi ay may napanood ako na ang topic ay tungkol sa pagiging mapagmalasakit. Nagsagawa ang programa ng test sa isang supermarket kung saan may magkukunwaring shoplifter. Ang objective ay: May magmamalasakit ba upang isumbong ang shoplifter?
Maraming shoppers ang nakasaksi sa ginawa ng shoplifter pero kaunti lang ang nagsumbong sa management ng supermarket. Paliwanag ng psychologist: “Maraming Pinoy ang mapagmalasakit pero takot silang pumasok sa gulo kaya dedma na lang sila sa maling nakita.”