EDITORYAL - Kasuhan ang mga nagtapon ng patay na baboy

HINIHINALANG ang mga patay na baboy na nakitang lulutang-lutang sa Marikina River ay inaalagaan sa likod bahay at hindi sa mga malalaking piggery farms. Maaaring galing sa Rodriguez, Antipolo at San Mateo ang mga baboy na itinapon sa creek na tinangay naman sa Marikina River. Ganunman, dahil sa marami ang mga nag-aalaga sa likod-bahay hindi matiyak kung sino ang nagtapon ng mga baboy na hinihinalang may African Swine Fever. Pero sabi ng mga awtoridad sa Marikina, matutukoy nila ang mga ito at sasampahan ng kaso.

Nasa 58 baboy na ang natatagpuan sa Marikina River at maaaring may matagpuan pa. Bagama’t hindi naman naililipat sa tao ang ASF, maaari namang may sumulpot na ibang sakit dahil sa pagkakontamina ng tubig mula sa mga naaagnas na baboy. Pinagbabawalang maligo ang sinuman sa Marikina River upang makaiwas sa sakit na dulot ng mga patay na baboy.

Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, dalawang kaso ang kinakaharap ng mga iresponsableng nagtapon ng mga baboy --- paglabag sa Sanitation Code at Clean Water Act. Kasong sibil at criminal ang kahaharapin ng mga nagtapon ng baboy na hinihinalang may ASF.

Hihingi ng danyos ang Marikina sa mga mapapatunayan. Lahat nang ginastos nila sa pagkuha sa mga inanod na baboy at ganundin sa paglilibing ng mga ito ay kukunin nila.

Nagbabala naman ang Deparment of Agriculture sa lahat ng mga nag-aalaga ng baboy sa kanilang likod-bahay na ireport ang kalagayan ng kanilang mga alaga sa kanilang tanggapan. Kapag napansin na may sakit ang mga baboy, ipagbigay-alam agad sa DA para mabigyan ng tamang solusyon at hindi kumalat ang sakit. Ang sinumang hindi magreport ng kalagayan ng mga alaga ay parurusahan ayon sa batas.

Nagbabala rin ang departamento sa mga nagtatapon ng mga patay na baboy sa mga ilog at sapa na mahaharap sila sa mabigat na kaso. Lumalabag sila sa Animal Welfare Act na may katumbas na kaparusahan. Hindi dapat itinatapon sa ilog ang mga patay na hayop.

Kapag natukoy na ang mga nagtapon ng baboy, kasuhan sila. Kailangan silang maparusahan para hindi na maulit ang ganitong gawain. Dahil sa kanilang ginawa, maaaring kumalat ang sakit sa mga baboy sa buong bansa at walang ibang kawawa kundi ang mamamayan na rin.

Show comments