Ano ang puwedeng ikaso sa kapitbahay na umokupa sa bahagi ng aking lupa?

Dear Atty.,

Isa po akong OFW at may binili akong bakanteng lote sa aming probinsiya. Natuklasan ko na lang po noong isang taon na ang bahagi po nito ay inokupa na ng bakuran ng aking kapitbahay. Ano po ba ang puwede kong gawin upang maalis ang itinayo ng aking kapitbahay? --Max

Dear Max,

Maari kang magsampa ng ejectment suit dahil sa tinatawag na forcible entry na ginawa ng iyong kapitbahay sa iyong pag-aaring lote. Ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Gonzaga v. Court of Appeals (G.R. No. 130841, February 26, 2008, 546 SCRA 540), kailangang mapatunayan ng nagrereklamo ng forcible entry na (1) nasa posesyon niya ang ari-arian bago ito nakuha ng inirereklamo at (2) naagaw ang posesyon na ito mula sa kanya sa pamamagitan ng pamumu-wersa, intimidasyon, pang-iisa, pagbabanta, o sa pamamagitan ng paraan na patago at lingid sa kaalaman ng nagrereklamo.

Bukod sa mga ito, kailangan ding maisampa ang kaso isang taon mula nang mawala sa posesyon ng nagrereklamo ang ari-arian. Kung ang pang-aagaw naman ay ginawa nang lingid sa kaalaman ng dating may posesyon ng ari-arian, ang isang taon na palugit ay bibilangin mula nang matuklasan ang pang-aagaw na ginawa ng nagrereklamo.

Sa iyong inilahad, hindi mo nabanggit kung paanong nakapagpatayo ang iyong kapitbahay ng bakuran sa lote mo. Kung ito ay sa pamamagitan ng mga paraan na patago at lingid sa kaalaman mo ay baka may panahon ka pa upang makapagsampa ng kaso kung noong isang taon mo ito unang natuklasan. Kung ang pagtatayo naman nila ng bakuran ay sa pamamagitan ng ibang paraan na nabanggit ay baka paso na ang isang taong ibinibigay ng batas para sa pagsasampa ng kasong forcible entry.

Kung maghahain ka man ng reklamo para sa forcible entry ay kailangan mo munang idaan ito sa barangay conciliation bago mo ito tuluyang maisampa sa korte kung hindi man kayo magkaayos sa barangay.

Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay partikular lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.

Show comments