MAHAL ang kilo ng bigas na umaabot sa mahigit P30 ang 1 kilo. Pero ang nakapagtataka, mura naman ang palay kapag binibili sa mga magsasaka. Sa kasalukuyan ang 1 kilo ng palay ay binibili lamang sa halagang P12 at may mas mababa pa rito. Kaya naman ang mga magsasaka ngayon habang inaani ang kanilang inalagaan at pinagkagastahang palay, napapailing na lang dahil hindi mababawi ang kanilang gastos.
Panahon na ng anihan ngayon sa Mimaropa (Mindoro-Marinduque-Romblon-Palawan) at sa iba pang lugar sa Luzon. Masagana ang kanilang pag-aani sapagkat maganda ang resulta nang pagtatanim. Naalagaan nila nang husto sa fertilizer, insecticide at tamang patubig ang palayan. Magaganda at mapi-pintog ang butil ng mga palay. Kaygandang tingnan ng palay na animo’y ginto sa malawak na linang. Napakasarap langhapin ng mga hinog na palay. Masarap anihin ang pinagbuhusan ng pawis at hirap. Ang ilang buwan na paghihintay sa inalagaang palay ay magiging pera na sa wakas.
Pero malaking pagkadismaya sapagkat matapos anihin, giikin at isako, bibilhin lang pala ng mura. Napakababa ng presyo! Sobrang baba na halos hindi mabawi ang kanilang ginastos. Taliwas ito sa kanilang inaasahan na mataas ang presyo sa panahon ng pag-aani. Ang kanilang pinagbuhusan ng panahon sa loob ng ilang buwan ay mabebenta lamang sa murang halaga. Ang kanilang inaasahan, maipagbebenta ang kanilang palay ng P17 bawat kilo pero bigo sila sa inaasahan.
Nabaon sila sa utang habang inaalagaan ang kanilang mga tanim na palay. Kailangang utangin ang pambili ng binhi, pataba at insecticide. At pagkatapos, mababa lamang palang bibilhin ang kanilang ani.
Ang sobrang pagdami ng imported na bigas ang itinuturong dahilan kaya mababa ang presyo ng palay. Epekto ito ng rice import liberalization law. Dumagsa ang imported na bigas na mas murang ibinibenta.
Umaaray ang mga magsasaka sa nangyayaring bagsak-presyo ng palay. Ang iba, sa halip na magtanim ng palay, nag-aalaga na lamang ng tilapia at ang iba ay manok at baboy. Sigurado raw ito dahil hindi bumabagsak ang presyo.
Tulungan ang mga magsasaka. Itaas ang presyo ng palay para makabawi ang mga magsasaka. Kung maaari, bilhin ng National Food Authority (NFA) ang mga palay. Huwag pabayaan ang mga magsasaka.