INGAT din sa pag-aalok ng tulong sa ibang tao...kahit pa sa iyong pinakamalapit na kaibigan. Hindi lahat ng magandang intensiyon ng donor ay tatanggapin nang positibo ng recipient, minsan, insulto pala ang dating nito sa recipient.
Bata pa ay magkaibigan na sina Marian at Neri. Laki sa layaw si Marian dahil may magandang trabaho ang kanyang mga magulang. Si Neri ay pangkaraniwan lang ang buhay. Ang ina niya ay mananahi samantalang ang kanyang ama ay electrician.
Pareho silang nakatapos ng pag-aaral sa kolehiyo. Nasuwertihan ni Neri na makapagtrabaho sa abroad at makapag-asawa ng Canadian. Samantala, kabaligtaran ng magandang kapalaran nito, pulos naman kamalasan ang natamo ni Marian. Inakala ni Marian na mayaman ang lalaking pinakasalan niya. E, bugak pala ‘yung lalaki. Meaning, punung-puno ng kasinungalingan ang buhay ng lalaking iyon. Kaya pala iba’t iba ang kotseng ipinansusundo sa kanya noong college ay may talyer pala ang bayaw nito. Hinihiram lang niya ang kotse mula sa talyer. Walang kamalay-malay ang mga kliyente ng kanyang bayaw na ipinampoporma muna ng lalaking bugak ang kanilang kotse bago ibigay sa kanila.
Nang mabisto ang mga kahambugan, wala na…nabuntis na ang magandang si Marian. Ang lalaki pala ay tauhan lang ng bayaw nito sa talyer. Nagkasunud-sunod ang pagbubuntis ni Marian kaya hindi na nakaranas makapagtrabaho. Hirap na hirap ang naging buhay nito sa lalaking bugak. Maagang namatay ang mga magulang ni Marian kaya wala itong mahingan ng tulong.
Minsan ay nagbalik-bayan si Neri. Una niyang dinalaw ang kaibigang si Marian na nakatira sa dati pa rin nitong bahay. Nagulat si Neri sa naging hitsura ng kaibigan. Wala pala itong upper front teeth. Hindi halata sa picture na ipino-post niya sa social media.
Noong huling linggo na niya sa Pilipinas, muli niyang pinuntahan ang kaibigan. Gusto niyang ipagpagawa ito ng pustiso. Nag-isip siya ng topic para mabuksan niya ang tungkol sa pagpunta sa dentista.
“Pupunta ako sa pinsan kong dentista. May ipapaayos ako sa aking pustiso. Gusto mong sumama?”
Napasimangot si Marian. “Bakit?”
“Pagagawan kita ng pustiso”
“Ayoko. Okey na ako sa ganitong kalagayan.”
“Mas masarap kumain nang may ngipin”
“Ang kulit mo…kilala mo ako, kapag sinabi kong NO, hindi na ‘yun magbabago.”
Bumuntong-hininga na lang si Neri at saka nagpaalam. Nang magtagal ay ini-unfriend siya nito sa social media. Maliwanag na nainsulto ito sa inaalok niyang tulong. Nakarating pa sa kanyang kaalaman na sinabi raw ni Marian na yumabang na raw siya. Sus, kayabangan na pala ngayon ang mag-alok ng tulong. Simula noon, nadala na siyang mag-alok ng tulong sa hindi naman niya immediate family or malapit na kamag-anak.