NAG-SORRY na ang may-ari ng Chinese fishing vessel na nambangga sa F/B Gem-Vir 1 kung saan 22 mangingisdang Pinoy ang muntik nang mamatay noong Hunyo 9 sa Recto Bank. Ayon sa memorandum ni Guangdong Fishery Mutual Insurance Association president Chen Shiqin na may pamagat na “Chinese Apology on the Recto Bank collision incident”, humihingi nang paumanhin ang may-ari ng Chinese vessel sa mga Pilipinong mangingisda dahil sa nangyari. Hindi umano sinadya ang pagbangga at inaako ang lahat nang responsibilidad sa insidente. Ayon pa kay Shiqin, inatasan na nila ang may-ari ng fishing vessel na makipag-ugnayan sa Pilipinas kaugnay sa nangyari at kung paano mababayaran ang napinsalang bangka ng mga Pinoy.
Mabuti at humingi na ng paumanhin ang may-ari ng Chinese vessel at inaako ang responsibilidad sa nangyari. Sana ay totoo na babayaran ang mga mangingisda. Nararapat bayaran ang napinsalang Gem-Vir 1 sapagkat ito lamang ang tanging gamit ng 22 mangingisda para sa kanilang paghahanapbuhay. Kung hindi sila mababayaran sa nangya-ring pinsala, kawawa ang kanilang pamilya na sa pangingisda lamang umaasa.
Bagama’t sinasabi ng may-ari na hindi sinasadya ang pagbangga, naninindigan ang mga mangingisdang Pinoy na sadya silang binangga. Ang nakakagalit, pagkatapos silang banggain, tumalilis ang Chinese vessel habang unti-unting lumulubog ang Gem-Vir 1 kasama ang mga mangingisdang Pinoy. Nasagip ang Pinoys nang saklolohan ng mga mangingisdang Vietnamese. Sabi ng kapitan ng Gem-Vir 1, sadya silang binangga. Nawasak ang unahang bahagi ng bangka. Ang pangyayari ay nagdulot ng trauma sa mga mangingisda. Ayon pa sa mga mangingisdang Pinoy, nasa P500,000 ang halaga ng nawala sa kanila.
Mabuti at sinabi mismo sa memorandum mula sa Chinese fishing association na oobligahin nila ang may-ari ng fishing vessel na bayaran ang mga mangingisdang Pinoy. Sana ay maging mabilis ang pagbabayad sapagkat walang pinagkakakitaan ang 22 Pinoy fishermen. Kawawa sila.