‘Santa’

NAG-KUWENTUHAN kami ni Nanay na nasa ibang bansa noong isang araw sa pamamagitan ng video call.

Ako: Inay sa susunod ayoko na ng video call, just call na lang.

Nanay: Bakit ayaw mo?

Ako: Ang papangit kasi natin sa video. Hindi tayo telegenic!

Nanay: Anak…kung talagang pangit, mapa-video man o personal, pangit talaga ang lalabas. Kung ano ang natural, ‘yun na ‘yun.

Tapos humagalpak ng tawa. Tawang-tawa sa kanyang joke na may bahid ng katotohanan. Maya-maya ay ikinuwento niya na nagpadala siya ng pera sa aking mga pinsan at sa kanyang matandang dalagang kapatid na magkakapisan sa iisang bahay sa aming probinsiya. Malapit na kasi ang piyesta sa aming bayan. Gusto niyang maghanda ang magtitiya para may maihaing espesyal sa bibisitang kamag-anak. Matatandang binata rin ang aking mga pinsan. Ganoon kabait ang aking ina sa tatlo niyang kaanak.

Sa isip ko lang, tingnan mo nga naman ang buhay. Ang dalawa kong pinsan na iyon ay anak ng kapatid ni Nanay na mahigpit magpautang ng isang latang sardinas noong araw. Matagal nang namayapa ang kapatid niyang iyon. Naalaala ko lang na mapapaihi muna ako sa kahihiyan dahil kung anu-ano muna ang lilitanyahin bago ibigay sa akin ang isang latang sardinas na inuutang ko. Tapos eto ngayon siya, nagpadala ng pera para panghanda sa piyesta ng kapatid at mga pamangkin. Sabagay mababait at maalalahanin ang aking mga pinsan.

Hindi marunong magtanim ng sama ng loob ang aking ina. Ang mahalaga sa kanya ay ang magandang samahan nila ng aking mga pinsan sa kasalukuyan. Kapag nagbabakasyon si Nanay sa probinsiya ay sila ang nagtse-check sa kalagayan nito sa araw-araw sa pamamagitan ng pagbisita sa aming bahay anumang oras sa maghapon. Medyo may kalayuan din ang aming bahay mula sa kanila.

Habang nag-uusap kami ay ipinakita ko sa kanya na nag-antanda ako. Natatawa si Nanay na nagtanong kung ako nag-antanda.

Nagtatawa akong sumagot, “Baka kasi maging santa ka sa sobra mong kabaitan at mapagbigay. Ina-advance ko na ang pagbibigay galang sa isang tiyahing santa”.

Humalakhak na naman si Mudra. Noong kabataan niya ay hindi ko siya naririnig na humahalakhak. Bihira siyang tumawa dahil siguro sa kahirapan ng aming buhay. Mabuti naman at sa huling yugto ng buhay niya ay totoong kuntento at masaya na siya.

              

Show comments