MABUTI at mismong ang Malacañang na ang nagpahayag na hindi papayagan ni President Duterte na makalaya si convicted rapist-murderer Antonio Sanchez. Sa pahayag ng Malacañang, hindi kuwalipikado si Sanchez sa pinaikling prison term sa ilalim ng good conduct time allowance (GCTA). Masyadong mabigat ang kasalanan ni Sanchez at bukod doon, marami pa siyang nagawang kasalanan gaya nang pag-iingat ng droga sa kanyang selda.
Naging kontrobersiya ang Republic Act 10592 sapagkat agad na inihayag ng Department of Justice (DOJ) na maaaring makalaya si Sanchez sa ilalim ng nasabing batas. Agad umusbong ang poot ng pagtutol. Nag-apoy ang social media sa rami ng batikos. Hanggang sa makialam ang Malacañang at nabuhusan ng tubig ang galit ng mamamayan.
Isinasaad sa RA 10592, lahat nang bilanggo, kabilang ang nasa preventive imprisonment ay maaaring ma-qualify para sa reduction ng kanilang sentensiya. Sa batas, dinagdagan ang bilang ng araw na maki-credit para sa kanilang good conduct time allowance (GCTA). Ibig sabihin, kapag nagpakita nang magandang pag-uugali ang bilanggo, malaki ang mababawas sa kanyang sentensiya. Bukod pa rito, mababawasan pa ng 15 araw bawat buwan ang sentensiya ng bilanggo kung siya ay nag-aral habang nakakulong o ‘di naman kaya ay nagturo. Malaking puntos kung ginugol ng bilanggo ang kanyang oras para mapaunlad ang sarili at ganap nang nagbago.
Ito ang inakala ni Sanchez na makapagpapalaya sa kanya. Nakapagsilbi na umano siya ng 26 na taon at kapag kinuwenta ang kanyang mga nagawa o ipinakitang magandang ugali, kuwalipikado na siyang lumaya.
Nahatulan si Sanchez at anim niyang tauhan ng pitong habambuhay na pagkabilanggo noong Marso 14, 1995 dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Eileen Sarmenta at pagpatay din naman kay Allan Gomez, mga estudyante ng UP-Los Baños noong 1993.
Habang nasa kulungan, nahulihan si Sanchez ng shabu, marijuana at drug paraphernalias. Ang mga ito ang nagpabigat kaya hindi na siya makakalaya kung ang pagbabasehan ay ang GCTA. Disqualified na siya. Ganunman, kahit hindi na lalaya si Sanchez, dapat pa ring rebyuhin ang batas. Dapat maging malinaw ang pag-aaplay nito sa mga bilanggo. Linawin na hindi ito applicable sa mga naakusahan ng karumal-dumal na krimen gaya ng ginawa ni Sanchez.