KAMAKAILAN, inilagay ni President Duterte sa puwesto si Agriculture Secretary William Dar, kapalit ni Emmanuel Piñol na inilagay naman sa bagong puwesto para sa pagpapaunlad ng Mindanao. Naniniwala ang Presidente sa kakayahan ni Dar na noon pa man ay naglingkod na sa nasabing tanggapan.
Malawak ang karanasan ni Dar sa agrikultura at sa palagay ng Presidente, ito ang tamang tao para mapaunlad ang sector ng pagsasaka at iba pang may kinalaman sa pagpaparami ng aning palay. Si Dar ay nagtapos sa University of the Philippines-Los Baños.
Pero kahit na napakagaling ni Dar, kung ang pangunahing pangangailangan naman para sa pagpaparami ng ani ay hindi naisasakatuparan, balewala rin. Imposibleng maparami ang aning palay kung walang suplay na tubig sa mga sakahang lupain.
Tubig ang numero unong kailangan para mabuhay at mamunga nang marami ang palay. Kapag natuyuan ang linang na may nakatanim na palay, malaking porsiyento na hindi na ito maaanihan. Sayang lamang ang binhi, pataba na isinuplay sa palay kapag ang tubig ay nagkulang. Saganang tubig ang kailangan para mabuhay at magbunga ang mga palay. Ito pa naman ang numero unong produkto na kailangan ng bansa.
Pero paano masusuplayan ng sapat na tubig ang mga palayan kung ang National Irrigation Administration (NIA) ay hindi ginagampanan nang maayos ang kanilang tungkulin. Paano makapag-aani kung ang mga palayan ay natitigang dahil sa kawalan ng tubig.
Ayon sa report ng Commission on Audit (COA), umaabot sa P20 bilyon ang halaga ng mga atrasadong irrigation projects sa maraming lugar sa bansa. Nakasaad sa report ng COA, nasa 299 irrigation projects ang hindi pa natatapos na ang kabuuang halaga ay P20,704,244,492. Isinagawa ang report noong Dis-yembre 31, 2018.
Ang projects ay atrasado na umano ng mahigit anim na taon. Sinermunan ng COA ang NIA dahil sa ganito kaatrasadong proyekto. Katwiran umano ng NIA sa COA kaya naatrasado ang irrigation projects ay dahil sa masamang panahon, pagbabaha, kakulangan ng equipment at ang pagkuha ng right of way.
Kung ganito kabagal ang NIA sa paggawa ng irigasyon na lubhang kailangan sa agrikultura, hindi maisasakatuparan ang hangarin ni President Duterte na mapaunlad ang sakahan ng bansa. Nararapat nang panghimasukan ng Presidente ang namumuno sa NIA at sibakin kung kinakailangan. Hindi nararapat sa puwesto ang mga pabaya.