EDITORYAL - Sariling CR para sa LGBT community
KAWAWA naman ang lesbian, gay, bisexual at transgender (LGBT) na naaagrabyado sa paggamit ng restroom o comfort room (CR). Wala silang magamit sa oras ng biglaang pangangailangan sapagkat may mga tumatanggi sa kanila na gumamit ng CR. Hindi dapat mangyari ang ganito.
Ang insidente na kinasasangkutan ng transgender woman na si Gretchen Custodio Diez na hindi pinagamit ng comfort room para sa mga babae sa Farmer’s Plaza, Cubao, Quezon City noong nakaraang linggo ay hudyat sa mga kinauukulan para gumawa ng sariling restroom para sa LGBT community. Nararapat resolbahin ang problemang ito ng LGBT. Kung hindi ito bibigyang-pansin, tiyak na maulit ang pangyayari at baka mas malala pa. Bigyan o igawa ng sariling comfort room ang LGBT para walang problema.
Nag-viral sa social media ang nangyari sa Farmer’s Plaza nang posasan si Diez ng mga security guard ng mall makaraang makipagtalo ito sa janitress. Ayaw payagan ng janitress si Diez na makagamit ng comfort room para sa mga babae.
Ayon kay Diez, pinagtabuyan siya ng janitress at sinabihang doon siya mag-CR sa mga lalaki. Nagtalo sila hanggang makialam na ang mga guard at pinosasan siya at dinala sa Quezon City Police Department (QCPD) Station 7.
Ayon naman sa janitress, nagalit siya kay Diez sapagkat kinunan pa siya nito ng picture at agad na ipinost sa Facebook ang pangyayari. Nagbanta siyang idedemanda si Diez dahil sa pagkuha ng picture. Sabi naman ni Diez, irereklamo niya ang pamunuan ng mall dahil sa hindi makataong pagposas at pagpapaalis sa kanya ng mga guard.
Makaraang mai-post sa Facebook ang hindi pagpapagamit ng comfort room kay Diez, bumuhos ang suporta sa kanya ng LGBT community. Sumugod ang mga grupo ng LGBT at kinokondena ang di-makataong pagtrato kay Diez. Isa umano itong indiskriminasyon.
Ang insidenteng ito ay nararapat magbukas sa isipan ng mga local officials para magpagawa ng restroom na naaangkop para sa LGBT. Magpasa ng batas ang LGUs na lahat nang mall, sinehan, government building at iba pa ay may CR para sa LGBT. Sa ganitong paraan, maiiwasan na ang mga insidente kung saan may nagkakasakitan dahil ayaw pagamitin ng CR ang LGBT.
- Latest