NOONG araw na nasa kindergarten pa si Jay, anak ng aking kaibigan, ako ay naimbitahang sumama sa school nito dahil kakanta ito sa Foundation Day program. Habang nakasakay kami sa kotse patungo sa school, kuwento nang kuwento si Jay tungkol sa kanyang best friend na si Boni. Base sa tono ng kanyang pagkukuwento, mukhang enjoy siya sa company ni Boni at ganoon din naman si Boni sa kanya.
Kaya nasabi ko kay Jay, “Pagdating natin sa school, ipakilala mo sa amin ang bff mong si Boni ha?”
“Sure Tita! At saka mapapanood n’yo rin po siya. Kakanta siya habang magyu-Ukulele”.
Pagdating sa school bago magsimula ang program, karay-karay niya si Boni at dinala sa harapan namin habang kami ay nakaupo.
“Mommy, Tita, siya po ang best friend kong si Boni!”
Nakakatuwa naman si Boni at kinamayan kami sabay bati ng “Kumusta po.” Parang isa nang adult na gentleman. Hindi na kami nagtaka kung bakit kasundo siya ni Jay. Mabait na bata si Boni.
Noong nasa kotse kami at pauwi na, sabi ng aking kaibigan kay Jay, “Bakit hindi mo binabanggit sa iyong mga kuwento na naka-wheel chair pala si Boni?”
“Oo nga,” patianod ko.
Buong kainosentehang sumagot si Jay, “Kasi hindi naman po importante ‘yun”
Pareho kaming hindi nakaimik. Kami ang naturingang matatanda, kami pa ang naturuan ng bata ng tinatawag na “acceptance”. Pagtanggap na walang halong panghuhusga sa pagkatao ng isang kaibigan.