Hindi pa rin yata nawawalis sa paligid ng NAIA ang mga dorobong taxi driver na kung anu-anong modus ang isinasagawa at bumibiktima partikular na sa mga dayuhan.
Ito ang mga panira sa imahe ng Pinas na dapat lang maaksiyunan.
Katunayan nito, isang driver ng white taxi na nadakip kamakalawa matapos nga na ireklamo ng 3 Chinese na siningil nito nang sobra-sobra matapos na sumakay sa kanya.
Saan kaya kumukuha ng kapal ng mukha ang driver na ito na may hawak pa umanong kopya ng fare meter na ipinapakita sa mga dayuhang pasahero na niloloko?
Per tao at hindi sa metro ang singil nito, naku talagang ang kapal ng mukha.
Mula terminal 3 papuntang terminal 1, biruin mong 6,000 ang sinisingil nito sa tatlong pasaherong Instik.
Malamang na hindi ito nag- iisa sa ganitong modus.
Posibleng may mga kasabwat pa ito na kapwa niya driver. Dapat na matunton na rin ng mga awtoridad nang hindi na makapambiktima pa.
Hindi lang sa loob ng airport dapat na mabigyan ng proteksyon ang mga pasahero maging sa labas at sa paligid nito. Dapat na mabantayan din sila sa mga mapagsamanta-lang taxi driver at iba pang kauri nito.
Maging sa mga kawatan na umaali- aligid sa paligid ng mga paliparan na ang tinatarget ay mga balikbayan nating kababayan at mga turistang dayuhan.
Kalusin na dapat ang mga ito.