Konsehal, nakabangga ng bata! Ayaw daw panagutan?

KARAMIHAN sa mga humuhingi ng tulong sa aming tanggapan, bumababa pa ng Maynila galing sa malalayong probinsya. Nagtitiyagang pumila, umaasang mapakinggan ang kanya-kanyang hinaing.

Kahit na libre ang aming public service, alam naming naglalaan din ng oras, pagod, at salapi ang mga taong ito. Kaya naman kami sa BITAG Pambansang Sumbungan, kahit walang kapalit ay nagsisikap na matugunan ang lahat ng reklamo.

Katulad nitong ama mula sa Camarines Sur. Nabangga raw ng sasakyan ang anak niya habang nagbibisikleta sa Mambulo National Highway. Ang nakabangga ay si Konsehal Jose San Buenaventura.

Ang batang si John Carlo Bogay, comatose ng dalawang linggo. Sa loob ng tatlong buwan ay P80,000 lang daw ang naibigay ni Konsehal. Kulang dahil nangangailangan pa ng karagdagang atensiyong medikal ang pobreng bata.

Sumbong sa amin ng ama ng biktima, hindi na nakikipag-ugnayan sa kanila ang konsehal tungkol sa mga bayarin. Baon na sila sa utang sa kakatustos sa medical bills ng kanyang anak.

Upang magkaliwanagan, kinapanayam namin si Konsehal Buenaventura. Hirit niya, hindi lang sila nagkaintindihan ng ama ng biktima.

Higit pa raw sa P80,000 at umabot na sa P400,000 ang personal na nagastos niya sa nadisgras­yang bata. Handa naman daw siyang sagutin ang mga gastusin sa ospital na aabot pa sa P200,000.

Pakiusap lang ni Konsehal, baka puwede raw na ilipat sa pampublikong hospital ang bata upang makamura sila sa gastusin. Kumpleto naman daw sa pasilidad ang Bicol Medical Center. Pero pangako niya, handa siyang ilipat sa ospital sa Maynila ang bata kung kinakailangan.

Humingi na rin kami ng tulong kay Mayor Bernand P. Brioso. Nangako rin ang mayor na gagawa ng paraan upang makatulong sa gastusin. Mamamagitan na rin ito sa dalawang partido upang magkaroon ng mas maayos na dayalogo.

Malayo pa ang pinanggalingan ng mga complainant tulad nito. Kaya kami sa BITAG, hindi sasayangin ang mga panahong inilaan nila, mahabang biyahe at pagpila.

Hindi man 100 porsiyentong masosolusyonan ang kanilang idinulog sa amin, may babaunin pa rin silang aral upang hindi na maulit pa ang mga dinanas nilang problema.

Magsilbi sana itong leksiyon, mga Boss. Hindi natatapos sa apat na sulok ng tahanan ang responsibilidad natin sa ating mga anak. Huwag nating gawing karugtong ng palaruan ang mga lansangan.

Hindi sa sinisisi ko ang lahat sa mga magulang. Aksidente at walang may gusto ng nangyari. Ang mga bata kung minsan ay hindi natin kontrolado. Pero walang mawawala kung dodoblehin natin ang pagi-ingat at pagbigay ng patnubay.

Show comments