HANGGANG sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pagdami ng mga nagkaka-dengue at may mga namamatay. Karamihan ay mga bata ang nabibiktima. Ngayong nagpapatuloy ang pag-ulan, tiyak na darami pa ang mga lamok na may taglay na dengue. Mabilis dumami ang mga lamok na tinatawag na Aedes Aegypti na nagdadala ng dengue virus. Pinakamabisang panlaban sa mga ito ay ang paglilinis sa kapaligiran.
Noong nakaraang linggo, dineklara ng Department of Health (DOH) ang national dengue alert dahil sa patuloy na pagdami ng mga nagkaka-dengue. Ayon sa report, mula Enero hanggang Hunyo, 106,630 na kaso na ang naitala at 456 katao na ang namatay.
Pinakamataas ang Region 6 na may 13,164 na kaso at may 78 na ang namatay. Sumunod ang Region 7 na may 9,199 na kaso at 60 ang namatay. Ikatlo ang Region 4-A na may 11,474 na kaso at 46 ang namatay. Ang National Capital Region ay may 7,315 kaso at 26 na ang namatay.
Ayon kay DOH Secretary Francisco Duque III, ang pagdedeklara ng national alert ay para maipabatid sa publiko ang pag-iingat at maging handa sa nakamamatay na sakit. Ipinaalala ng kalihim na ang kalinisan sa kapaligiran at loob ng bahay ang pangunahing panlaban para hindi kumalat o mabuhay ang mga lamok.
Mabilis umanong makilala ang lamok na Aedes Aegypti dahil batik-batik ang katawan nito at kadalasang nangangagat sa araw. Ipinapayo ng DOH ang 4S strategy para mapuksa ang mga lamok. Ang 4S ay: 1) Search and Destroy; 2) Self-Protection Measures; 3) Seek early consultation; at 4) Say no to indiscriminate fogging.
Para walang mapangitlugan ang mga lamok, huwag mag-iistak ng mga basyong bote, lata, gulong ng sasakyan, paso ng halaman sa loob o sa paligid ng bahay. Kapag napuno ng tubig ang mga ito sa panahon ng tag-ulan pangingitlugan ang mga ito. Linisin din ang mga kanal na hindi umaagos ang tubig sapagkat dito nangingitlog ang mga lamok.
Sintomas ng dengue ang lagnat, pagkakaroon ng pantal-pantal sa balat, pananakit ng ulo, kasu-kasuan, lagnat at pagsusuka.
Ang pagbibigay ng gabay sa mamamayan ukol sa dengue ay nararapat pang paigtingin ng DOH. Marami sa mamamayan ang salat pa sa kaalaman ukol sa dengue kaya dapat silang maimulat upang makaiwas sa sakit.